“When I’m 65+”

“Will you still love me, will you still kiss me when I’m 65?”

Lalaki raw ang hari ng tahanan. Of course, walang kokontra dyan. Pero may pasubali. Si misis ang alas, kaya siya pa rin ang nasusunod. Yan daw kasi ang secret formula ng happy and long lasting marriages.

Joe & Lina Ruedas

May 38 taon na kaming kasal. Kaiba sa lahat, ako ang nagluluto dahil gusto ko at mas masarap daw akong magluto. Siya ang naglalaba, namamalantsa at naglilinis ng bahay, pero hindi iyon assigned roles. Nagkataon lang.

Sa trabaho, umalis kami ng sabay tuwing 6:00 am patu­ngong palengke upang magtinda ng tanigue, salmon at tuna — sa loob ng mahigit 30 taon, hanggang sa magkasakit ako sa puso at kinailangang manatili sa bahay upang humaba pa ang buhay. Alam ko, mula noon hangga ngayon, kami talaga ang laan sa isa’t isa.

Joel & Elsa Valdez

Masasabi sigurong soul mates kami, best friends, and lo­vers. High School pa lang, kami na. Syempre, nagkaroon din kami ng difficult times, pero nalampasan namin yon. Masasabi ko ring sira ang ulo ng aking misis. Kung hindi ba naman, paano niya ako napagtiyagaan hanggang sa mga oras na ito?

Lally & Chit Cuenca

We have the most fun. Enjoy namin ang isa’t isa. Madalas kaming mag-away noon dahil may bisyo ako.

Mahilig ako sa barikan — aba’y Batangueno ga are, at pagbarik ang sukatan ng pagkalalaki! Aba’y tunay akong barako! Pero sa bawat away, hindi namin pinalilipas ang magdamag na hindi nagkakabati. Isang halik lang, tapos na ang away. Kasi, mahal ko siya at mahal niya ako, kahit pa napakarami kong pagkakamali.

Minsan, natutulog pa kaming magkahawak-kamay kahit ngayong matanda na kami.

Angel Rivera & wife

Sa haba ng panahon ng aming pagsasama, hindi ko na alam mabuhay kung wala siya. Retirado na kami, matanda na, pero sakali mang wala na ang init ng kabataan, nanatili naman ang pagmamahalan. Ngayon, nagpapakasaya kaming magkasama. Nililibot namin ang mundo.

Art & Marilyn Sunico

Mula noon hanggang sa ngayon, Masaya kami. Nàg-away rin kami syempre ni misis, pero sabi ng isang kaibigan, napansin niyang kapag mayroon kaming disagreement, nag-uusap kami kahit nagsisigawan.

Mas mabuting magsigawan kesa hindi mag-usap, para alam ninyo pareho kung ano ang problema. Sa mag-asawa kasi, madaling mag-apologize at tumanggap ng apologies. Walang recriminations, at kapag naresolba na ang problema, hindi na dapat pag-usapan uli ang issue.

Marami rin kaming naging away noong bago pa kami, pero ngayong matanda na kami, natatawa na lamang kami kapag naaalala namin iyon.

Ipinagmamalaki kong napakaswerte ko sa pagkakaroon ng misis na tulad niya na sinamahan ako sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan.

Alph & Vicky Orticio

May binili kaming bahay at lupa sa Tagaytay. Misis ko ang nakipagnegosasyon, at nakuha niya ito sa mas mababang presyo. Mahusay talaga si misis. The best!

Basta tungkol sa bahay at pagpapalaki ng anak, siya ang bahala dun.

Ako? Ako ang financial provider, at siguro naman, wala siyang reklamo sa bagay na yan — I hope!

RLVN