IKINAALARMA na rin ng World Health Organization (WHO) ang idineklarang measles outbreak ng Department of Health sa Filipinas.
Ayon kay Dr. Gundo Weiler, kinatawan ng WHO sa bansa, noong isang taon pa nila binabantayan ang outbreak ng tigdas kung saan umaabot na sa 20,000 mga pasyente na ang napaulat na mayroon nito.
Gayunman, sinabi ni Dr. Weiler na hindi naman na sila nagulat na lumala ang kaso ng tigdas sa Filipinas dahil sa kulang ang kumpiyansa ng mga Filipino na tanggapin ang vaccination program.
Batay sa tala ng WHO, aabot lamang sa pito mula sa sampung mga bata na may edad 17 pababa ang nabakunahan kabilang na riyan ang bakuna kontra tigdas.
Sa panig naman ng DOH, ipinagmalaki ni Health Secretary Francisco Duque III na mas dumami na umano ang mga magulang na nagpupunta sa mga health center para pabakunahan ang kanilang mga anak.
Sa panayam ng DWIZ kay Duque, sinabi nito na resulta ito ng ginagawa nilang pag-iikot sa mga komunidad upang ipaunawa ang kahalagahan ng bakuna kontra sa iba’t ibang karamdaman.
“Sa wakas ‘yung kanilang takot doon sa mga dating isyu tungkol sa Dengvaxia mukhang nawawala na. At ito naman takot sa measles ang ngayong namamayagpag kaya sila naman ay nagpapabakuna ngayon, pero nakakalungkot lang na may mamatay pa para lang maintindihan ang measles vaccine. So, kaya tuloy-tuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa mga LGU para paigtingin ang ating immunization,” pahayag ni Sec. Duque. DWIZ882
Comments are closed.