WHO NAGBABALA LABAN SA PEKENG BAKUNA SA RABIES

BAKUNA-2

NAGBABALA ang World Health Organization (WHO) kaugnay ng mga counterfeit o hindi rehistradong bakuna na itinurok sa i­lang pas­yente.

Ito ay matapos ibunyag ng The Medical City nitong Miyerkoles na nakatanggap sila ng mga counterfeit na gamot ng Venorab kontra rabies na itinurok sa kanilang mga pasyente noong nakaraang taon.

Sa inilabas na Global Medical Product Alert ng WHO, magkaiba umano ang packaging ng orihinal na Venorab na galing sa kompanyang Sanofi sa hindi rehistradong bersiyon nito.

Itinanggi rin ng Sanofi na kanila ang umano’y counterfeit na bakuna dahil hindi tugma sa kanilang rekord ang ibang datos na nasa pakete nito.

Ayon pa rin sa WHO, posibleng hindi lang sa Filipinas ang naabot ng counterfeit na bakuna.

Lahad ni Health Undersecretary Eric Domingo, posibleng sinamantala ng ilang supplier ang kakulangan sa bakuna kontra rabies noong 2017 kaya lumaganap ang ilang ‘di rehistradong gamot sa bansa.

Nanawagan siya sa mga ospital na maging mapanuri sa bibilhing bakuna para sa kanilang mga pasyente.

“We just want to ask our hospitals and health care deliverers to please be very conscious kung saan nila bibilhin. Kasi ‘pag talaga ganitong panahon na mayroon tayong kaunting difficulty in procuring supplies, diyan din talaga lumalabas ‘yung counterfeit products,” aniya.

Nauna na ring sinabi ng CEO ng The Medical City na si Dr. Eugenio Jose Ramos na dapat managot ang sub-distributor sa Filipinas ng Venorab na Geramil Trading.

Nang kapanayamin, tumanggi naman ang distributor na magbigay ng pahayag dahil iniimbestigahan na umano ito ng Food and Drug Administration.

Nauna nang tiniyak ng The Medical City na sterile ang ibinigay na counterfeit na bakuna. Pero sinabi ng FDA na may pagkakataong maaa­ring nakakasama ito sa mga nagme-maintenance na gamot.

“Mayroon din pong mga counterfeit drug products na mayroong halong harmful ingredients na maaari ring magkaroon ng reaction,” ani Atty. Michelle Lapuz, officer-in-charge ng FDA Legal Services Support Center.

Bagama’t wala pang natatanggap na ulat na may negatibong epekto ang hindi rehistradong bakuna sa pasyente, nanawagan ang mga awtoridad na agad na magpatingin sa doktor kung nakakamdam ng kakaiba matapos magpabakuna.