SA gitna ng patuloy na tensiyon at kaguluhan sa mga bansang Lebanon at Israel, isa na namang malaking hakbang ang isinagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tulungan ang ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) na napilitang bumalik sa Pilipinas.
Nabatid na sa direktiba ng Pangulo, ang Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang ahensiya ng gobyerno ay binigyan ng tungkuling magsagawa ng isang “whole-of-government approach” upang masiguro na ang mga OFW ay mabibigyan ng sapat at komprehensibong tulong sa kanilang pagbabalik.
Ang hakbang na ito ay isang patunay ng malasakit ng gobyerno sa ating mga bagong bayani — ang mga OFW. Hindi biro ang sakripisyong kanilang ginawa para sa kanilang pamilya at sa bansa.
Ngayon, sa kanilang pagbabalik dala ang mga sugat ng digmaan, kinakailangang maramdaman nila na hindi sila nag-iisa at may gobyernong handang tumulong sa kanila sa oras ng pangangailangan.
Isa sa mga pangunahing ayuda na ibibigay ay ang P150,000 pinansyal na tulong mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ang halagang ito ay isang malaking tulong upang masimulan muli ng mga OFW ang kanilang buhay dito sa bansa.
Ngunit, hindi lamang ito tungkol sa pera. Ang gobyerno ay naglaan din ng iba’t ibang programa at serbisyo upang masiguro na ang kanilang pagbabalik ay hindi lamang pansamantalang ginhawa, kundi isang tuloy-tuloy na proseso ng pagbangon.
Ang pagkakaloob ng mga serbisyo tulad ng medikal na tulong, psychosocial counseling, at livelihood assistance ay patunay na ang gobyerno ay nag-iisip ng pangmatagalang solusyon.
Ang mga ahensiya tulad ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay katuwang sa pagbibigay ng oportunidad para sa mga OFW na makapagbagong-buhay, makapag-aral, at makapagtrabaho muli sa kanilang pagbabalik.
Mahalaga rin na ang mga programa at serbisyong ito ay maipatupad nang maayos at mabilis. Hindi dapat matali sa burukrasya ang pagkakaloob ng tulong, lalo na’t ang mga OFW ay nanggaling sa mga lugar na pinagmulan ng malaking trauma at takot.
Ang pagkakaroon ng ‘whole-of-government approach’ sa sitwasyong ito ay isang positibong hakbang patungo sa mas organisadong sistema ng pagtulong sa mga OFW. Ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pakikipagtulungan ng bawat ahensya ng gobyerno upang masiguro na walang naliligaw o napapabayaan sa ating mga kababayan.