HINILING ni Senadora Imee Marcos na gamitin ang wikang Filipino kahit isang araw lang gayundin ang mga publication na maglaan ng isang pahina sa paggunita sa Buwan ng Wika.
Ani Marcos, hindi naman siguro magiging kalabisan ang makiusap sa mga pahayagang Ingles na kahit na papaano ay maglaan ng isang pahina para sa mga artikulo na ang gagamitin ay ang Wikang Pambansa.
“Isang beses lang naman ito ngayong buwan ng Agosto at isang pahina lang din para sa mga artikulong susulatin sa wikang Filipino. Sana mapagbigyan ang pakiusap natin lalo na ngayong ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika,” pakiusap ni Marcos.
Sinabi pa ng senadora, mahalagang maipakita sa taumbayan ang kahalagahan ng wikang Filipino dahil ito ang nagbibigkis sa mamamayan lalo na sa panahong maraming pagsubok na pinagdadaanan ng kasalukuyang pamahalaan.
“Napakalakas na armas ang Wikang Pambansa na ngayong nahaharap ang Pilipinas sa iba’t ibang mga pagsubok lalo na sa mga dayuhang bansa,” pahayag ni Marcos.
Kasabay nito, nanawagan din si Marcos sa mga news channel na Ingles na maglaan din ng isang araw para sa paggamit ng wikang Filipino sa kanil-ang mga news program, bilang pagbibigay halaga sa Wikang Pambansa.
Gayundin, nagpasalamat si Marcos sa lahat ng tabloid na patuloy na nagpapalaganap ng Wikang Pambansa at patuloy sa paglilimbag ng babasahing nasusulat sa Filipino sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap.
“Bow tayo sa mga tabloid! Isa sila sa mga nagpapalaganap ng Wikang Pambansa kahit sabihin pang patuloy ang paglakas ng online at social media ay naririyan pa rin sila at makikita mo sa mga newsstand,” paliwanag ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.