(Ni CT SARIGUMBA)
BINUKSAN ng dalawang lodi na sina National Artist Virgilio S. Almario at Alkalde Isko Moreno ang Buwan ng Wika 2019 na may temang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.
Ginanap ang Pagtataas ng Watawat at Pagbubukás ng Buwan ng Wika 2019 sa Kartilya ng Katipunan, Pamahalaang Lungsod ng Maynila bilang simbolo sa panata na pangalagaan ang katutubong wika.
Sa unang linggo ng Buwan ng Wika 2019, sinalubong ito ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng Komisyon sa Wikang Fil-ipino, kasama ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) at mga ahensiyang pangkultura ng pamahalaan.
Naging tampok sa talumpati nina Almario at Moreno ang halaga ng mga katutubong wika at ang pagtitiyak na mapangangala-gaan ang mga ito sa mga pangunahing lungsod ng Filipinas.
Sa mensahe ni Almario, sinabi nitong sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay ito na marahil ang unang pagka-kataong ipinagbubunyi rin ang ating mga katutubong wika, hindi lamang ang Filipino.
Ito ay dahil umano sa nais nating pagpugayan at patunayan na mahalagang bahagi ng ating pagkabansa ang 130 katutubong wika sa Filipinas na siya ring buong pagmamalaking ipinapahayag ng ating tema na Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.
“Ang wika po kasi ang una at pangunahing pamanang pangkultura ng sangkatauhan. Ito ang nagbibigay artikulasyon sa ating nakaraan, sa ating kasaysayan ng mga tagumpay at pagkabigo. Nása wika ang yaman ng ating nakaraang hitik sa katutubong karunungan. Kung hindi natin ito aalagaan, manganganib ito; at kung pababayaan, maaari pang maglaho nang tuluyan. Kapag naglalaho ang isang wika, tila may isang tahanan o kamalig ng ating alaala at tradisyon ang mawawala at ‘di na mababawi kailan-man,” ayon pa kay Almario.
Pahayag pa ni Almario na ang mga katutubong wika, mula Ivatan hanggang Mandaya ay niyayakap natin. Niyayakap ng wikang pambansa upang matupad ang hangaring makabuo ng isang wikang pambansang tunay na ingklusibo.
At sa pamamagitan nga ng pag-ambag ng ating mga katutubong wika, nais ding tiyaking mapanatiling masigla at ginagamit nang masigasig sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan.
“Binibigyan táyo ngayon ng pagkakataon sa buong buwan ng Agosto na paglingkuran ang ating mga katutubong wika, pagkakataon para paglingkuran ang ating mga kababayan. Tulad ng ginawa nating “maagang” pagsisimula ng Buwan ng Wika, nawa’y mahigitan natin ang buwan ng Agosto sa pagpapa-malas ng ating pag-ibig sa sariling wika. Dahil wala nang hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila sa pag-ibig sa sariling katutubong wika,” pagtatapos ni Almario.