WILDFIRES AT PAGBABAGO NG KLIMA

HINDI maitatanggi na lumalala na ang epekto ng pagbabago ng klima sa mundo.

Ang climate change ay tumutukoy sa mga pangmatagalang pagbabago sa temperatura at pattern o ikinikilos ng panahon.

Sinasabing maaaring maging natural ang mga pagbabagong ito, halimbawa, sa pamamagitan ng mga pagkakaiba-iba sa siklo ng araw.

Sa mga pag-aaral, mula noong dekada 1800, isinisisi sa mga aktibidad ng tao ang pagbabago ng klima.

Itinuturing itong pangunahin dahil sa pagsusunog ng petrolyo tulad ng karbon, langis at gas.

Siyempre, malinaw pa sa sikat ng araw na ang nasusunog na petrolyo ay nagdudulot ng greenhouse gas na kumikilos tulad ng isang kumot na nakabalot sa daigdig.

Gumagapang ito sa init ng araw at nagpapataas ng temperatura ng mundo.

Nauuso naman ngayon ang wildfires.

Karamihan sa mga tinatamaan ay ang ilang teritoryo ng Estados Unidos.

Kilala rin bilang brush fire, bushfire, forest fire, grass fire, hill fire, peat fire, vegetation fire, at wildland fire, ang wildfire ay isang hindi makontrol na sunog o apoy na nagaganap sa kanayunan o sa kagubatan at kasukalan.

Ang pinakamatindi at pinakahuling nangyari ay sa Maui Island sa Hawaii.

Dumarami naman daw ang mga Pilipinong apektado ng sunog sa Lahaina, kabilang ang mag-inang sina Conching at Danilo Sagudang na namatay at pawang mga taga-Abra.

Nakilala raw sila sa pamamagitan ng forensic experts sa Lahaina.

Nasawi raw sila habang nagtatangkang tumakas sa sunog sa Paunau Subdivision sa lugar.

Una rito, iniulat din ang pagkamatay ng isang 79-anyos na Pinoy na kasama sa 100 nasawi sa wildfire sa Hawaii.

Kadalasan daw, ang simula ng wildfire ay deforestation, climate change, at bad human activities.

Bukod sa posibleng pagkawala ng buhay ng mga tao, namamatay rin ang mga halaman, nagkakaroon ng matinding polusyon at pagbaha, at pagkawala ng supply ng oxygen, at iba pa.

Marami rin namang sunog sa kagubatan na sanhi ng mga short circuit o labis na karga ng mga linya ng koryente.

Nariyan din ang posibleng kapabayaan ng tao tulad ng campfire na mahirap patayin o hindi makontrol, kasama na rito ang pagsusunog ng mga basura o upos ng yosi na itinapon sa gilid ng kalsada sa parehong paraan.

Kaya naman, upang maiwasan ang mga sunog sa kagubatan o wildfire, ang kamalayan ng publiko sa problema at mga kahihinatnan nito ay mahalaga.

Unahin dapat ang sistema ng pangangalaga sa kapaligiran, pagtuklas at maagang babala, at pagkakaroon daw ng mga bumbero sa kagubatan.

Sa Pilipinas, malabo naman daw na magkaroon ng wildfire dahil kinalbo na ng mga iligal na magtotroso ang ating mga kagubatan.

Tsk, tsk, tsk.