Dear Nanay,
Twenty two years na pala ang nakaraan mula nang ikaw ay lumisan. Ganyan naman talaga ang buhay. Isisilang ka sa tamang panahon, at papanaw ka rin sa tamang panahon. Lahat tayo ay may misyon sa lupa, kung saan tayo ay maglalakbay at makikipagsapalaran, hanggang sa maisakatuparan atin ang misyong ito. May maagang nakakatapos ng misyon kaya maaga silang nakararating sa piling ng Diyos, at mayroon namang nagtatagal, dahil maraming naatas na gawain sa kanila.
Natatanong ko lang – magkikita ba tayo sa langit sakaling matapos ko na ang misyon ko? Ikaw ba ang susundo sa akin at aakay upang hindi ako maligaw? Sabi kasi nila, pwedeng ninang, o ama, o lolo at lola, o kaya naman, best friend. Lahat kayo, nauna na. ako na lamang ang naiiwan. Pero sana, ikaw. Kasi, hindi ako nakapagpasalamat noong buhay ka pa. Sige, kahit sa liham, sana, makarating sa’yo. Salamat sa pagmamahal at paggabay.
Iba ang relasyon noon ng magulang at anak. Hindi uso ang yakap at halik. Bagkus, pagmamano lamang at pagbibigay-galang. Ang magulang ay nakataas sa pedestal. Iba na ngayon.
Finally, nauunawaan ko na ang gusto mong mangyari. Ina na rin kasi ako. Pero iba sila sa akin bilang anak mo. Kung naririto ka pa, sasabihin ko sa’yp, pero dahil wala ka na, ako na lamang mag-isa ang lulutas kung mayroon mang problema.
Naiinggit ako sa ibang mayroon pang ina. Nagrereklamo sila dahil nagsasawa na sila sa pag-aalaga sa kanila at sa kakulitan ng nag-uulyanin, ngunit hindi nila alam kung gaano sila kaswerte. Kahit nag-uulyanin at makulit na ang kanilang ina, nariyan pa rin sila bilang kakampi, tama man sila o mali.
I miss you, kahit ang mga sermon mo. Kahit ni minsan man, wala kang sinabing I love you, naramdaman ko naman ito. Mahal mo ako, kasi, mahal mo rin ang mga anak ko. Nanay, nang mawala ka, nawalan na rin ako ng kakampi, kaya naramdaman kong nag-iisa na ako sa buhay kong ito. But life goes on. Para sa kanila – para sa mga taong pinahahalagahan ko. Sana lang, magkaroon pa rin ng isang taong magbibigay sa akin ng pagmamahal na unconditional and pure. Pero kung wala, okay lang.
Nagpapasalamat ako sa Diyos na kahit hindi na kita kasama, kasama mo naman ang Ama. Huwag kang mag-alala.
Hindi ka nakalibing sa puntod kung saan naroon ang iyong mga labi. Nakalibing ka sa puso ko, at habang buhay ako, hindi kita malilimutan.
Sa mga anak na hindi naa-appreciate ang kanilang mga magulang. “Hold dear to your parents for it is a scary and confusing world without them.” Sabi yan ni Emily Dickinson. Totoo yan. No matter how you resent your parents, kapag wala na sila, mami-miss mo ang kanilang boses, ang payo, pati na ang kanilang sermon. Kasi, sa ganyang paraan nila ipinakikita ang kanilang pagmamahal.
Tapos na tayong lumaki at matagumpay nating nakarating sa adulthood, ngunit kahit malakas na ang ating bagwis, malalamn mong kailangan mo pa rin ang magulang mo. Sana, andyan pa sila. Sila kasi ang sandalan kapag napapagod na tayo. Paano kung wala na tayong masasandalan?
Nanay, sana ay masaya ka saan ka man naroroon, at sana, gabayan mo pa rin ako kahit sa panahinip lamang. NLVN