WILLIAMS HATAW SA PBAPC AWARDS NIGHT

TATANGGAP si Mikey Williams ng hindi lamang isa kundi tatlong parangal sa 2022 PBA Press Corps Awards Night sa Novotel Manila Araneta Center.

Pinangungunahan ng TNT Fil-Am guard ang All-Rookie team na pararangalan ng mga regular na nagko-cover sa beat sa una nitong face-to-face event sa nakalipas na tatlong taon.

Bukod kay Williams, na itinanghal na Rookie of the Year para sa Season 46, ang iba pang miyembro ng team ay sina Jamie Malonzo (NorthPort), Calvin Oftana (NLEX), Leonard Santillan (Rain or Shine), at Joshua Munzon (Terrafirma).

Gaganapin ang awards night sa June 21.

Ang 30-year-old na si Williams ay may matagumpay na rookie season para sa TNT, na nagbigay sa kanya ng kauna-PBA championship sa Philippine Cup, kung saan itinanghal din siyang Finals MVP.

Ang no. 4 pick overall sa 2020 draft ay major contender din para sa Season MVP plum at tumapos bilang miyembro ng Mythical First Team.

Bukod sa All-Rookie team, si Williams ay kikilalanin din bilang Scoring Champion ng season, na tumapos sa two-year reign ni San Miguel wingman CJ Perez.

Sasamahan din ng Los Angeles, California native sina Ian Sangalang (Magnolia), Matthew Wright (Phoenix), at Robert Bolick (NorthPort) bilang bahagi ng grupo na gagawaran ng Order of Merit.

Ang award ay ipinagkakaloob sa mga indibidwal na nakakuha ng pinakamaraming Player of the Week honor na ibinibigay rin ng Press Corps.

Nakatakda pang pangalanan ang Coach of the Year, Executive of the Year, Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes, Bogs Adornado Comeback Player of the Year, at Game of the Season.

Sina TNT’s Chot Reyes at Tim Cone ng Barangay Ginebra ang naglalaban para sa pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob sa top performing coach ng season na ipinangalan kay late ‘Maestro’ Virgilio ‘Baby’ Dalupan.

Sina Cone at Reyes ay kapwa naging kampeon sa season na naglaro ang liga sa ilalim ng two-conference format.

Iginiya ni Reyes ang Tropang Giga sa Philippine Cup championship sa loob ng Bacolor bubble sa kanyang pagbabalik sa pagko-coach sa liga makalipas ang isang dekada, habang ginabayan ni Cone ang Kings sa kanilang ika-4 na Governors’ Cup title sa nakalipas na anim na taon.

– CLYDE MARIANO