WILLIAMS PBAPC PLAYER OF THE WEEK

LALO pang sinementuhan ni super rookie Mikey Williams ang kanyang katayuan bilang isa sa mga sumisikat sa PBA kasunod ng isa pang impresibong performance na nakatulong sa TNT para makopo ang twice-to-beat incentive sa PBA Governors’ Cup playoffs.

Nasa kanyang ikalawang conference pa lamang sa liga, pinangunahan ni Williams ang mga panalo ng TNT kontra Terrafirma at  Northport upang kunin ang  No. 3 spot na may 7-4 kartada papasok sa quarterfinals.

Sa kanyang kabayanihan ay nakopo ng Fil-Am hotshot ang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week award para sa period na March 9-13.

Ito na ang ikalawang POW citation ni Williams para sa season makaraang mag-average ng 22.0 points, 6.5 assists, 4.0 rebounds, at 2.0 steals sa dalawang panalo. Ipinagkaloob din sa kanya ang parehong parangal sa Philippine Cup, kung saan siya napiling Finals MVP at naputol ang six-year title drought ng TNT.

Sumandig ang TNT kay Williams nang gapiin nito ang Terrafirma, 127-107, sa likod ng kanyang 16 points, 4 rebounds, 6 assists, at 2 steals.

Nagpasabog naman ang freshman guard ng  28 points, kabilang ang ilang tres sa overtime, nang apulahin ng Tropang Giga ang mainit na paghahabol ng Batang Pier para sa 106-101 panalo.

Nagdagdag din si Williams ng 4 rebounds, 7 assists, at 2 steals sa isang all-around play para sa Tropang Giga, na muntik nang masayang ang 18-point lead.

Itutuon ngayon ng TNT ang pokus nito sa malaking quarterfinal match up sa Biyernes kontra defending champion at No. 6 seed Barangay Ginebra, kung saan isang panalo lamang ang kanilang kailangan para umabante sa ‘Final Four’.      CLYDE MARIANO