‘WIN-WIN SOLUTION’ SA FIXED TERM NG AFP

IPINAMALAS  ni Senator at Vice Chair ng Committee on National Defense Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa pagrepaso sa Republic Act No. 11709 na nagtatag ng isang nakapirming termino at edad ng pagreretiro para sa ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines bilang layunin niyang maghanap ng win-win solution na magresolba sa mga kaguluhan sa pagpapatupad ng batas.

Sa isang manipestasyon na inihatid noong Martes, Enero 17, sa isinagawang pagdinig ng Committee on National Defense, sinabi ni Go na para magkaroon ng ligtas at matatag na sandatahang lakas ang bansa, dapat silang tumanggap ng suportang kailangan nila.

“Maganda po ang layunin ng batas na ito upang masiguro ang continuity sa mga polisiya at programa po ng AFP.

Ngunit, kagaya po ng karamihan sa ating mga batas, meron talagang mga birth pains,” dagdag niya.
Sinabi ni Go na dapat magsikap ang gobyerno na makasabay sa mga panukala at rekomendasyon mula sa militar at unipormadong tauhan, at muling pag-aralan ang mga patakaran upang “manatiling tumutugon sila sa mga pangangailangan ng militar.”

“Along the way, several issues came up which may affect the morale of our uniformed personnel. Alam naman po natin na ang sitwasyon ngayon, tila sumisikip po at nagkakaroon ng limited position dahil sa three-year tour of duty ng key positions,” saad ni Go.

“Ang epekto nito maaaring pag-agawan ang posisyon at nawawalan ng oportunidad ang mga nasa baba at ‘yung mga bata na umaangat pa.”

Sa pagsisikap na higit na gawing propesyonal ang militar, ang RA 11709 ay nagtatakda ng tatlong taong takdang termino para sa mga hepe ng AFP at iba pang pangunahing opisyal ng militar.

Sinabi ni Go na maaaring may mga nakikitang isyu sa pagtatalaga ng mga opisyal sa mga pangunahing posisyon kahit na ilang buwan o araw na lang ang natitira sa mga opisyal bago ang compulsory retirement.

“Kahit na five days o one day na lang po bago ang retirement mo, puwede ka pang ma-appoint sa posisyon na may three-year term. Lalo tuloy sumikip para sa mga posisyon sa taas. Parang nagiging.. sumisikip na paangat.”

“Paano na lang ‘yung mga bata na slated na sana for promotion pero dahil sa three-year tour of duty of key officers, hindi na makaakyat,” dagdag ni Go.

“Paano na lang ‘yung mga apektado ng birth pains? Paano mabibigyan ng oportunidad ‘yung mga deserving na ma-promote? Paano ba natin mahihimay at mapaplantsa ng mabuti na the best and the brightest yung mapili natin dito. Walang pabor pabor at mabigyan ng oportunidad yung mga deserving talaga,” anito.

Samantala, sa isang ambush interview, sinabi ni Go na nais niyang makahanap ng win-win solution sa isyu na mapapakinabangan ng lahat habang pinapanatili ang mataas na moral ng sandatahang lakas ng bansa.

“Dito naman po sa tinalakay kanina na Senate Bill, ito pong proposed amendments, dito sa mga promotion po ng Armed Forces, ako naman po gusto ko everybody happy… tulad noon, hanggang ngayon full support po kami ni dating pangulong Duterte sa Armed Forces.

“Ako naman po, in my own small capacity, ay gusto ko pong masaya ang Armed Forces. Gusto ko pong high morale sila dahil sila po ang nagtatrabaho, nagsasakripisyo tuwing may giyera, tuwing mayroong sakuna, at pati dito po sa COVID response natin,” dagdag niya.

“At sa narinig ko kanina, posisyon po ng DND, ng Armed Forces ay magiging more dynamic, flexible, generous po ‘yung incremental movement nila sa Armed Forces.

“Kung ano pong makakabuti sa lahat. Kung ano pong makakabuti sa Armed Forces, susuportahan ko po lalung lalo na po sa may mga potential na mga batang opisyal na bigyan natin ng pagkakataon na umangat po ang kanilang mga career. (Lalo na yung mga) best and the brightest po,” dagdag nito.

Itinutulak ni Go ang Senate Bill No. 4224 para sa libreng legal assistance sa uniformed personnel.

“Ang ating kapulisan at mga sundalo ang laging nasa frontline sa kampanya ng pamahalaan laban sa banta ng mga kriminal, lalo na po sa mga drug syndicates at mga terorista,” paliwanag ni Go.

“Alam naman po natin kung gaano kabigat ang responsibilidad ng ating mga sundalo, pulis, at iba pang uniformed personnel. Paminsan-minsan po, sa nais lamang nilang gampanan ang kanilang tungkulin, sila pa ang iniipit at nakakasuhan,” dagdag ng senador.