PINAIIMBESTIGAHAN ng Bayan Muna Partylist sa Kamara ang “window hour scheme” sa provincial buses na nagdulot ng pahirap sa mga commuter.
Sa House Resolution 2562 ay pinasisilip sa House Committee on Transportation “in aid of legislation” ang ipinatutupad na window hours sa mga provincial bus na naging sanhi ng delay at malaking abala sa mga mananakay.
Nangyari ang pagkaantala ng biyahe ng mga provincial bus noong Abril 20, kung saan libo-libong pasahero na pauwi ng probinsya ang stranded sa mga bus terminal sa EDSA-Cubao, gayundin sa terminal sa Dau, Pampanga na paluwas naman ng Maynila.
Matapos alisin nitong nagdaang Holy Week ang window hour scheme ay walang abiso sa mga pasahero na ibinalik na ito kaya naman dagdag gastos at maraming manggagawa ang na-late sa trabaho sa pag-aakalang makakasakay agad.
Nauwi naman sa pagtuturuan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan sinasabi ng LTFRB na wala itong kasunduan sa mga provincial bus operator patungkol sa window hour scheme at ang “permit to operate” na inisyu ng ahensiya ay pinapayagan naman ang serbisyo sa mga commuter anumang oras kailanganin.
Iginiit pa sa resolusyon na ang Kongreso bilang mga kinatawan ng mga tao ay may tungkulin na tiyakin na ang mga patakaran ng pamahalaan ay para sa interes ng publiko, lalo na sa panahong umiiral pa rin ang COVID-19 pandemic. CONDE BATAC