IBINABA na sa 15 percent ang withholding tax sa refund ng mga customer ng Manila Electric Company (Meralco), ayon sa Department of Finance (DOF).
Inaprubahan ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez III ang Revenue Regulation (RR) kaugnay sa pagbababa sa 15 percent ng 25 hanggang 32 percent creditable withholding tax para sa Meralco refund, epektibo noong Enero 1, 2019.
Ang RR ay ipalalabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kung saan ipinaliwanag ni Assistant Commissioner Marissa O. Cabreros na ang regulasyon ay para sa uploading sa sandaling maipadala ito ng DOF sa bureau.
“Yes 2019 [RR]. Once we receive, will have it numbered and then uploaded to our website,” wika ni Cabreros.
Sa ilalim ng umiiral na BIR regulation, ang creditable withholding tax para sa Meralco refund ay 25 percent para sa customers na may active contracts, at 32 percent para sa mga may terminated contracts.
Gayundin, sa ilalim ng bagong RR ay ibinaba sa 15 percent ang kasalukuyang 20 percent withholding tax sa interest income sa refund na ibinayad sa non-residential Meralco customers.
Saklaw rin nito ang withholding tax sa interest income na nagmula sa iba pang debt instruments, na ibinaba sa 15 percent mula sa 20 percent.
Sinabi ni Finance Undersecretary Antonette C. Tionko, na nagrekomenda sa pag-apruba sa bagong RR, na ang withholding tax sa interest income sa refund ng meter deposits na ibinayad sa residential at general service customers na ang monthly consumption ay lumagpas sa 200 kilowatts per hour ay mananatili sa 10 percent.
Ang refund sa Meralco customers ay ipinag-utos ng Supreme Court, halos 16 taon na ang nakalilipas. REA CU
Comments are closed.