WIZARDS UMESKAPO SA SIXERS

TUMIRADA si Kyle Kuzma ng 24 points, nagdagdag si Montrezl Harrell ng 14 at ginapi ng Washington Wizards ang host Philadelphia 76ers, 106-103, nitong Miyerkoles para putulin ang six-game losing streak.

Nag-ambag si Wizards’ Spencer Dinwiddie ng 14 points, 12 rebounds at 10 assists para sa kanyang unang career triple-double.

Isang clutch runner ni Harrell sa lane, may 52.5 segundo ang nalalabi, ang nagbigay sa  Wizards ng 102-98 lead. Makaraang tapyasin ng 76ers ang kalamangan sa single point, isinalpak ni Dinwiddie ang dalawang free throws sa final second upang selyuhan ang panalo.

Naglaro ang Washington na wala sina three-time All-Star Bradley Beal (wrist) at Thomas Bryant (ankle). Tumipa si Joel Embiid ng 27 points, 14 rebounds at 6 assists para sa Sixers, na naputol ang five-game winning streak.

LAKERS 99, TRAIL BLAZERS 94

Kumubra si Anthony Davis ng 30 points at kumalawit ng 15 rebounds at nagdagdag si Carmelo Anthony ng 24 points para tulungan ang Los Angeles na putulin ang three-game losing streak sa panalo kontra bisitang Portland.

Nakalikom si Russell Westbrook ng 9 points, 13 assists at 10 rebounds para sa Lakers na nanalo makaraang maitala ang 2-4 sa kanilang katatapos lamang na road trip.

Umiskor si Norman Powell ng 30 points at kumabig si Anfernee Simons ng 19 para sa Trail Blazers na natalo ng ikatlong sunod at lima sa anim na laro.

CELTICS 113, HORNETS 107

Nagposte si Josh Richardson ng 23 points mula sa bench upang tulungan ang host Boston na mamayani kontra Charlotte.

Anim na Celtics ang nagtala ng double figures. Kumubra si Marcus Smart ng 22, nagdagdag si Jayson Tatum ng 19 at nagbigay ng team-high 9 assists, at kumamada si Jaylen Brown ng 15.

Sa iba pang laro ay ginapi ng Jazz ang Nuggets, 108-104; nilambat ng Kings ang Nets, 112-101; nasingitan ng Thunder ang Mavericks sa OT, 120-114; dinispatsa ng Grizzlies ang Knicks, 120-108; binomba ng Rockets ang Cavaliers, 115-104; at namayani ang Magic sa Pacers, 119-118.