#WOMEN2020 SUMMIT SA PINAS

Senadora Grace Poe-5

HINIKAYAT ni Senadora Grace Poe ang masisipag na kababaihang Filipino na lumikha pa ng oportunidad na makatutulong para mag-tagumpay ang mga naghihirap at lumalabang babae dahil hindi makikita sa poster girls ng pamahalaan at ibang industriya ang tunay na kalagayan ng mga Filipina.

“Obligasyon ng ilan sa atin na nagtagumpay sa kani-kanilang larangan na tumulong sa paghawan ng landas para sa iba. Kailangan nating magkapit-bisig, kung hindi’y mabibigti tayo kung magkakahiwalay, kaya tulungan ang bawat isa,” apela ni Poe sa harap ng mga kababaihang lider, dayuhang dignitaryo, at panauhin mula sa iba’t ibang sektor sa ginanap na #Women2020 Summit, isang event na inorganisa ng non-profit organization na Spark! Philippines sa pagsisimula ng International Women’s Day.

Nagtipon-tipon sa nasabing summit ang mga iginagalang na kababaihan at lider mula sa iba’t ibang institusyon para talakayin ang posisyon ng kaba-baihan sa progresyon, inklusyon, inobas­yon, mga bagong oportunidad at ang ebolusyon ng papel ng kababaihan.

Sa kanyang talumpati ukol sa kung papaano binabago ng kababaihan ang mundo at lumilikha ng pagbabago sa pamamagitan ng gender-responsive legislation, tinawag ni Poe ang atensiyon ng publiko sa agwat na kinahaharap ng kababaihan sa trabaho at oportunidad upang magtagumpay, at ang hamong kinahaharap ng mga babaeng lider.

“Lubhang limitado ang papel ng kababaihan sa pagtataguyod ng bansa. Hamon dati pa man ang maging babae sa pamumuno. Kung matigas ang isang lalaki, sasabihin ng lahat, mahusay na boss siya o mahusay na lider. Pero kung matigas ang isang babae o istrikto, iba ang tawag sa kanya, na nag-sisimula rin sa letrang ‘B’ pero nakakainsulto,” aniya.

Ayon kay Poe, kahit numero uno ang Filipinas sa 32 bansa na may pinakamaraming bilang ng babaeng ehekutibo sa top leadership role–43 por-siyento ng Filipino women executives ang humahawak ng senior management posts, ayon sa Grant Thornton International’s 2020 Women in Business Report–marami pang ibang kababaihan ang naghihirap sa abroad o sa informal sector nang walang benepisyo o proteksiyon.

Iginiit ni Poe na maraming kababaihan ang napipilitang iwan ang kanilang pamilya upang humanap ng trabaho sa ibang bansa, samantalang walang pagpipilian ang iba kundi maging tindera, katulong o kasambahay o handicraft maker dito nang walang benepisyo sa trabaho.

Tinukoy rin ng senadora ang pagtaas ng insidente ng pagbubuntis ng kabataan sa bansa, kaya maraming kababaihan ang nasusubo sa alanganin dahil ‘di nakatatanggap ng reproductive health services.

“Hindi wastong ipakita natin ang tagumpay ng kababaihan na nakapagtrabaho sa Makati o BGC tulad ng inyong mga sarili. Ang pagkakaroon ng poster girl sa maraming industriya o sa gobyerno, o sa isport ay hindi repleksiyon ng kalagayan ng mas nakararaming kababaihan sa bansa. Sa bawat Pinay na nakarating sa tuktok, higit na marami ang ‘di mabilang na iba na patuloy na nakikipagsapalaran, napapako, o nahuhulog,” aniya.

Kinilala ni Poe na napapanahon ang summit para balikan ang mga nakamit na ng kababaihang Filipino pati na ang mga dapat pang gawin.    VICKY CERVALES

Comments are closed.