WOMEN’S NATIONAL TEAM BUBUIN, SASANAYIN NG PVL

NAGPASYA ang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na ipagkaloob sa Premiere Volleyball League (PVL) ang responsibilidad ng pagpili sa mga miyembro, pagsasanay at pamamahala sa  women’s national team para sa international competitions simula sa  Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women na iho-host ng bansa ngayong buwan.

Nagkasundo ang PNVF board sa pagbibigay ng gawain para sa national women’s team sa PVL sa board meeting ng federation noong nakaraang April 12 sa Seda Nuvali sa FIVB Beach Pro Tour sa Santa Rosa City.

“This is a landmark decision by the PNVF board and we are looking forward to the PVL forming the strongest women’s national team ever,” wika ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara.

Dalawang miyembro ng PNVF board— vice president Ricky Palou at national team commission head Tonyboy Liao—ang  president at chairman, ayon sa pagkakasunod, ng Sports Vision, ang organisasyon na nagmamay-ari ay nangangasiwa sa PVL.

Si Brazilian Jorge Edson de Brito, ang FIVB-assigned coach para sa Pilipinas, ang hahawak sa women’s national team.

Ang AVC Challenge Cup for Women na gaganapin sa May 22-29 sa  Rizal Memorial Coliseum ay tinatampukan ng Philippine national team laban sa mga koponan mula sa  Kazahstan, Iran, Chinese Taipai, Vietnam, Australia, Hong Kong, Singapore, Indonesia at India.

Ang PNVF ay nakipag-alyansa rin sa Cignal TV ng  MVP Group bilang official partner nito para sa men’s national team na sasabak sa  32-team FIVB Men’s World Championship 2025 na iho-host ng bansa sa September sa susunod na taon.