MUKHANG magtatagal pa ang talakayan sa umiinit na isyu sa pagitan ng NLEX at ng pamahalaan ng Valenzuela City. Wala pang isang linggo ang nakalilipas ay tila mas lumala ang sitwasyon ng NLEX laban kay Mayor Rex Gatchalian. Ito ay nag-ugat sa matinding trapik sa entrada ng kanilang expressways na sinasakop ng lungsod ng Valenzuela dulot ng umano’y palpak na sensors ng kanilang RFID. Dagdag pa rito ay ang mahabang pila ng mga motorista upang magpakabit ng RFID sticker na ginawang mandatory ng DoTR na nagsimula nitong buwan ng Disyembre.
Masakit sa aking kalooban na napasok sa ganitong problema ang NLEX. Marami akong mga kilala na mga opisyal doon. Subalit nagtataka naman ako kung bakit ang mga sumunod na hakbang ng pamunuan ng NLEX ay tila mas inilubog nila ang kanilang sarili sa kumunoy.
Tulad ng isinulat ko sa aking column noong Martes, nag-ugat ang hidwaan ng magkabilang kampo nang tila binalewala ng pamunuan ng NLEX ang mga puna at hinaing ni Mayor Rex sa lumalalang trapik sa lugar nila na sakop ng NLEX. Mas pinalala pa ang sitwasyon nang magbitiw ng salita sa media ang COO ng NLEX na si Raul Ignacio na ang Valenzuela lang daw ang umaangal sa mga pangyayaring ito at wala raw silang nakikitang malaking problema.
Tila lumabas na mali si Ignacio sa kaniyang sinabi. Ang mga mayor ng Caloocan City at Quezon City ay nagbigay ng suporta sa aksiyon na ginawa ng Valenzuela City sa pag-suspinde ng business permit ng NLEX. May mga ilang LGUs din sa Pampanga ang nagpahayag din ng aberya sa trapik dahil sa mga palpak na sensors ng RFID. Ito ay patunay na hindi lamang ang lungsog ng Valenzuela ang napeperwisyo ng NLEX.
Maganda na sana sa umpisa ang mga hakbang na ginawa ng NLEX. Inamin nila na may problema ang kanilang sistema at tutugon sila sa mga puntong kinukuwestiyon ng Valen-zuela City. Nagpainterbyu sina NLEX President Luigi Bautista at Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) spokesperson Atty. Romulo Quimbo sa media upang magpaliwang sa nasabing isyu. Ang sumunod dito ay ang paghiling ng dayalogo sa pamunuan ng Valenzuela City. Tama ‘yun. Ito ang tamang hakbang para maayos, malutas at magawaan ng solusyon ang matinding trapik sa nasabing mga lugar.
Subalit isang araw bago magkaroon sila ng uganayan kay Mayor Rex ay nagbitiw ng salita si Atty. Quimbo na maaari silang maghain ng Temporary Restraining Order (TRO) sa korte laban sa Valenzuela City kapag nagpatuloy ang suspension ng kanilang business permit. Patay! Boom! Gumuho ang pagkakataon na maresolba sa pinakamabilis na paraan ang problema nila. Kailangan pa bang sabihin iyan ni Atty. Quimbo sa media? Kung ito man ay katanungan mula sa media, kailangan pa ba niyang sagutin ‘yun? Sana ay sinabi na lang ni Atty. Quimbo na huwag na munang pumunta sa ganyang usaping korte dahil makikipag-uganayan pa sila sa Valenzuela City upang makahanap ng mabilis na solusyon sa problemang ito.
Para namang hindi sanay si Atty. Quimbo sa media. Talagang pagsasabungin kayong dalawa para mas mainit ang kanilang balita…at naging mainit nga. Mas pinainit ninyo ang ulo ni Mayor Rex at nakita niya na parang pananakot sa kanya ito. Haaaay.
Paalala lamang sa pamunuan ng NLEX, ang isyung ito ay masyadong populist. Ika nga, medyo pangmasa. Maraming mga motorista at pasahero ang apektado rito. Kung hindi daang libo ay maaaring milyon ang napeperwisyo sa mabigat na trapiko na dulot ng sistema ng RFID ninyo. Sinisingil pa ninyo. Nagtaas pa kayo ng singil. Naiintindihan ko na sa kahit na anong negosyo, kailangan ay bumalik ang puhunan at kumita. Hindi puwedeng malugi.
Subalit huwag ninyong kalimutan ang nangyari sa Manila Water at Maynilad kung saan malinaw na nanalo sila laban sa MWSS sa Permanent Court of Arbitration sa Singapore na bayaran sila ng P7.4 billion ng ating gobyerno upang mabawi ang nalugi sa kanila sa mga dapat na rate increases na hindi ipinatupad ng ating pamahalaan na labag umano sa napirmahang kontrata. Alam natin ang sumunod. Pumasok sa eksena si Pangulong Duterte. Huwag naman sana umabot sa ganito ang sitwasyon sa NLEX.
Comments are closed.