WORDELLO 2.0: A GOTHIC EVENING OF HAUNTING POETRY

SA KABILA ng nakapapagod na araw, isang gabi lang ay nabuhayan na muli ng loob ang maraminmg makata’t manunulat na dumalo sa Wordello 2.0: A Gothic Evening of Haunt­ing Poetry. Black ang tema kaya naman karamihan sa nagsipagdalo ay mga na­kasuot ng gothic costume o attire.

Pero hindi lamang at­tire o costume ng mga nag­sipagsaya ang nakatatawag ng pansin kundi maging ang kakaibang hitsura ng lugar. Hindi nga naman maitatang­gi ang kagandahan o ang kakaibang hitsura ng lugar na pinagdausan ng nasabing poetry reading.

Sa Casa Real sa Taguig ginanap ang event. Sa labas pa lamang ay mabibighani ka na sa ganda nito– may mga puno sa labas ng Casa Real. May mga naggagan­dahang bulaklak. Hindi ka pa nga nakapapasok sa loob ay maiisip mo nang angkop na angkop ang lugar na pag­dausan ng iba’t ibang kasi­yahan.

Pero hindi lang pala ang labas ang nakabibighani at nakatutuwang pagmasdan kundi maging ang loob nito.

Sa pagpasok pa lang sa entrada ng Casa Real ay ma­papansin mo na ang tawag-pansin nitong disenyo na ta­laga namang halatang-halata na pinaghirapan. Mula nga naman sa sahig hanggang sa dingding at kisame ay pinaganda at binigyan ng kakaibang design na aaka­lain mong sa libro o mga kuwento mo lang makikita at mababasa. Napakama­likhain ng pagkakadisenyo nito at nag-isip. Kaya’t na­mangha at nabighani ang maraming nagsitungo roon para makisaya, magbahagi ng tula at siyempre ang ku­main at makipaghalikan sa serbesa at iba’t ibang inuming nakalalasing.

May pagka-weird nga naman ang lugar kung titingnan pero sa paningin ko o ng mga kagaya kong mahilig makipaghabulan sa mga letra, talinghaga at tug­ma, ang ganda-ganda lang ng kabuuan nito. Talagang mag-e-enjoy ka. Perfect na perfect siya sa nasabing event. Ang ganda ring gawing background sa selfie o groupie. As in nakakatuwa ang ganda at ayos nito.

Ang lapag o sahig ay nalalatagan ng mga tuyot na damo at dahon. May mga pailan-ilan ding maliliit na sanga ng kahoy na nakahalo sa tuyong dahon. Hindi rin siyempre mawawala ang mga kandila na karamihan ay kulay pula. At may ma-laking kawa pa. Talagang masasabi kong pinaghan­daan ang event.

Nakatutuwa rin na­mang isipin na sa kabila ng gulo ng mundo, sa kabila ng problemang kinahaha­rap ng marami ay may mga ganitong klaseng event na nakatutulong upang ma-re­lax ang bawat indibiduwal. Hindi lang naman kasi mga makata at manunulat ang nagsipagtungo kundi ang mga taong nais na makisaya sa ginawang poetry reading.

At dahil karamihan sa mga nagtungo sa Wordello 2.0 ay mga bookworm, may­roon ding mga nagbebenta ng libro. Dalawang indie bookstore ang naroon—ang Black Cat at Kwago. Na-en­joy rin ng mga um-attend sa event na nagpa-translate ng kanilang pangalan sa bay­bayin.

Ilan sa mga nagbahagi ng kanilang mga tula ay ang mga kilala at premyadong makata at manunulat gaya nina Gemino Abad, Krip Yuson, Butch Dalisay, Ray­Vi Sunico, Charlson Ong, Sylvia Mayuga, Maxine Syjuco, Joel Pablo Salud, Nerisa Guevara, Cesar Al­jama, Gil Yuzon, Monique Obligacion, Mark Dimaisip at Siege Malvar.

Hindi rin naman siyempre nawala ang alak at pica-pica.

Kahit na sino, kaila-ngan nga naman ng pahinga. Kayrami na nga namang nangyayari sa mundo- -maganda at masama. Kaya kung hindi ka maghahanap ng mga paraan upang magsa­ya, tiyak na mahihirapan ka. Tiyak na mai-stress ka.

Isa lamang ang ganitong mga poetry reading sa ki­nahiligan ng marami. Kung tutuusin nga naman, na­kapagpapawala ito ng inis, galit at nakapagbibigay ng ligaya. Hindi lamang din mahihilig sa salita at taling­haga ang maaaring dumalo sa ganitong pagtitipon. Dahil swak din ito sa kahit na sino. Kumbaga, wala ka mang hilig na tumula, puwede ka rin namang makinig. Puwede mo namang ma-appreciate ang tula sa pamamagitan lamang ng pakikinig.

Isang magandang tak­tika ang ganitong mga ga­wain para makapag-relax ang marami sa kabila ng magulo at mapanghus­gang mundo. Hindi la­mang din hilig ang gani­tong gawain sapagkat ginawa ito hindi lamang sa pansariling kapakanan kundi para sa nakararami. Sapagkat ang Wordello 2.0 ay isang fundraising event na pinangunahan ng Likhaan Creative Writing Founda­tion. Ang nasabing founda­tion ang sumusuporta sa mga Creative Writing Scholars mula pa noong 1998. Layon ng Likhaan na i-promote ang literature at literacy. Plano rin nilang palawakin pa ang kanilang proyekto—kabilang na ang training ng mga guro, both in English and Filipino. CT SARIGUMBA

Comments are closed.