WORK-FROM-HOME SA PNP IPINATUPAD VS COVID-19

SA GITNA ng pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Philippine National Police (PNP) na nasa 3,982 na kahapon, nagpatupad ng work-from-home arrangement si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos simula nang itaas sa Alert Level 3 ang status sa Metro Manila at iba pang lalawigan nitong Enero 4 hanggang Enero 31.

Sinabi ng heneral, batay sa record ng PNP-Health Service, mabilis ang hawahan ng COVID-19 sa loob ng dalawang linggo na umaabot sa mahigit 500 ang single day record na aniya’y massive spike kumpara bago magpalit ng taon na nasa 1 digit lamang.

Katunayan nito, sa ikatlong linggo ng Disyembre 2021 ay nasa 12 o 13 lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 habang sa pagpasok ng 2022 ay sumirit ng libo agad sa loob lamang ng dalawang linggo.

“Ang ginagawa natin katulad ngayon Alert Level 3 ay nagbababa tayo ng bilang ng workforce ‘yung mga admin duties, work-from-home para hindi kumalat yung COVID o magkahawaan,” bahagi ng panayam kay Carlos.

At upang hindi maantala ang kanilang operasyon para sa pagpapaalala sa publiko na bawal ang hindi bakunado na maglalabas, obserbahan ang social distancing gayundin sa curfew hours, idineploy sa mga quarantine control points ang mga tauhan ng Reactionary Standby Support Force (RSSF).

Samantala, 295 pulis pa ang nadagdag sa kaso ng COVID-19 sa PNP kaya ang kabuuang kaso na ay 45,542; habang mayroong 341 pulis na gumaling kaya ang kabuuang recoveries mula March 2020 ay nas 41,435 na.

Simula Nobyembre 10, 2021 ay hindi na nadagdagan pa ang 125 deaths sa organisasyon. EUNICE CELARIO