HATAW to the max sa work, work, work ang Kamara, sa pamumuno ni Speaker Alan Peter Cayetano. Nagtatala ngayon ng makasaysayang hakbang ang mga kongresista sa pag-aapruba ng mga panukalang batas lalo na ang mga prayoridad na programa ng Duterte administration.
Aba’y nitong Martes, sinimulan na ang plenary debate sa 2020 national budget nang maagang matapos ng House Committee on Appropriations ni Cong. Isidro Ungab ang pagtalakay sa pambansang badyet noong Biyernes.
Nito namang Lunes, dalawa pang priority bills ni Digong ang lumusot sa ikatlo at huling pagbasa. Ang mga ito ay ang House Bill (HB) 304 o ang “Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act” (PIFITA), at HB 300 o “Amendment of the Foreign Investments Act (FIA)”. Ito na ang ikalawa at ikatlong priority bills na inaprubahan ng 18th Congress, matapos na aprubahan ng Kamara ang panukala na naglalayong dagdagan ang excise tax sa sigarilyo, alak at vaping products noong Agosto 20.
Ang PIFITA bill ay nakakuha ng 186 yes votes, 6 negative votes at 2 abstentions. Samantalang ang FIA Amendment bill ay may 201 affirmative votes, 6 negative votes at 7 abstentions.
Layon ng PIFITA bill na amyendahan ang National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997 at repormahin ang pinansiyal na sektor ng bansa.
Ayon kay Rep. Joey Salceda, pangunahing may-akda ng panukala, magkakaroon ng magandang laban ang Filipinas na makahikayat ng mga mamumuhunan upang mapondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura ng Filipinas na makatutulong sa pagbibigay trabaho sa mga Pinoy.
Layon naman ng FIA Amendment bill na pangunahing inakda ni Rep. Victor Yap na amyendahan ang Republic Act No. 7042 o “Foreign Investment Act of 1991,” sa pamamagitan ng pagpayag sa mga dayuhan na makapag-practice ng kanilang propesyon sa Filipinas
Kaugnay nito, pinuri ni Deputy Speaker Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, Jr. ang mabilis na pag-apruba sa naturang mga priority bills na maituturing na ‘unprecedented’ sa ilalim ng liderato ni Speaker Cayetano.
Sa ngayon, nakatutok ang Kamara sa plenary deliberations ng national budget na mag-uumpisa mula ala-1 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes upang masiguro na maaaprubahan ito bago mag-October 4.
Siniguro rin ni Cayetano na magiging ‘pork-free’ ang pambansang badyet bilang tugon sa hangarin ni Digong na ligtas at komportableng buhay para sa mga Filipino
Mga cong, work at hataw pa more!
Puwedeng-puwede pala.
Comments are closed.