HINDI na tumagal ang buhay ng 40 anyos na construction worker na nakagat ng aso nitong nakalipas na linggo nang itali niya ang kanyang leeg sa gate ng ospital sa Davao City.
Sa report ng Davao City PNP, hinihinalang umakyat na sa utak ni Primitivo Daulong Jr., 40 taong gulang, nakatira sa St. Jude Buhangin sa lungsod, ang rabies kaya naisipan nitong magbigti.
Lumitaw sa pagsisiyasat na alas-3:30 ng madaling araw ay nakita ang biktima na nakatali ang leeg sa gate ng Southern Philippine Medical Center (SPMC) sa Davao City.
Isang watcher ang nakadiskubre sa bangkay ni Daulong na nakalambitin sa gate gamit ang pinunit na mga tela.
Lumilitaw na si Daulong ay kasalukuyang naka-confine sa isolation room ng Communicable Pavillon 1 ng SPMC matapos ma-diagnose ng rabies encephalitis.
Kinumpirma naman ng on-duty nurse na bago ang insidente ay madalas na nagwawala at nagiging bayolente ang biktima.
Ang mga nararanasan ng biktima ay senyales umano ng late stage rabies disease na nakukuha mula sa kagat ng aso.
Dahil nakakahawa umano ang rabies disease, pansamantala munang inilagay sa isang isolation room ng ospital ang mga labi ng biktima. VERLIN RUIZ