WORKERS NG HANJIN MAY SEPARATION PAY – DOLE

Sec Silvestre Bello III

TINIYAK ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makatatanggap ng tamang separation benefits sa ilalim ng Labor Code ang mga manggagawa ng Hanjin Industries kasunod ng pag-file ng bankruptcy ng nasabing Korean-based shipbuilder company at pag-apela nito para sa rehabilitasyon.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, makatatanggap ang mga manggagawa ng kanilang separation pay na katumbas ng isang buwan nilang suweldo kada taon ng kanilang serbisyo.

“Ang Subic Shipbuilder Corporation (SUSHICOR), ang general contractor ng Hanjin sa shipbuilding, ay nagbigay ng katiyakan na ibibigay nila ang separation pay at ipatutupad ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng supervision ng DOLE Region 3,” wika ni Bello.

Bukod sa nasabing tulong sa mga apektadong manggagawa, magsasagawa rin ang DOLE Regional Office 3 at Bureau of Local Employment (BLE) ng profiling sa mga manggagawa para mabigyan sila ng karampatang serbisyo na kanilang kailangan upang magkaroon muli ng bagong trabaho dahil karamihan rin sa mga manggagawa ng Hanjin ay highly skilled at indemand sa bansa at sa abroad.

“Kailangan nating ma-profile ang mga manggagawa upang malaman natin ang mga kasana­yan, at tulong na kanilang kailangan tulad ng livelihood o mga training para sa iba pang opoturnidad sa trabaho tulad ng mga bakanteng trabaho sa Build Build Build Program,” dagdag pa ng kalihim.

Makikipagpulong si Bello sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Transportation (DOTr), at Department of Public Works and Highways (DPWH) para mabigyan ng trabaho ang mga manggagawa sa ibat ibang proyekto ng pamahalaan.

Batay sa tala ng DOLE, nasa 3,800 ang manggagawa ng Hanjin na namamasukan ng ‘reduced working days’ hanggang matapos lamang ang dalawa pang barko sa Hanjin sa unang bahagi ng taong 2019.

Employed pa ang mga ­manggagawa sa 17 kontraktor ng Hanjin at nakatakdang mag-aplay ng re-trenchment ang mga ito kasunod ng pagtatapos ng kontrata nito sa Hanjin.   PAUL ROLDAN

Comments are closed.