(Modernization tiniyak sa mga bagong opisyal ng hukbo) WORLD CLASS AFP TARGET NI PBBM

“LAGI natin alalahanin na ang bawat hamon ay bahagi ng mas dakilang layunin. Sa bawat hakbang, ang inyong serbisyo ay hindi lamang tungkulin—ito ay panata para sa bayan, isang handog para sa bawat Pilipino na umaasa sa inyong husay, tapang, dangal, at malasakit.”

Ito ang mahigpit na tagubilin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr, ang commander in chief ng Armed Forces of the Philippines sa may 610 na mga bagong opisyal ng  Philippine Army, Navy, at  Air Force, sa ginanap na  Joint Graduation Ceremony ng Major Services Officer Candidate Course ng AFP   sa Kampo Aguinaldo.

Sa kabuuang bilang ng mga bagong military officers, nasa 362 graduate cadets ay mula sa  Philippine Army (PA) – Katarakian Class 61-2024, 173 cadets naman ang sa  Philippine Air Force (PAF) – Sigmandigan Class 2024 habang nasa  75 graduate cadets ay mula sa Philippine Navy (PN) – Mangisalakan Class 42-2024.

Kaugnay nito, tiniyak ni Pang. Marcos Jr., na patuloy na isinusulong ng kanyang administrasyon na gawing world class ang puwersa ng Hukbong Sandatahan  at pag­modernize sa mga kagamitan ng militar at pahuhusayin ang training program upang maging handa ang mga sundalo sa pagtugon sa anumang mga hamon.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang kanilang pagtatapos ay simbolo ng kanilang determinasyon, sakripisyo, at pagsisikap na malampasan ang mga hamon ng pagiging opisyal ng AFP.

Hinimok ng commander in chief ang mga nagtapos na gawing gabay sa kanilang military career ang  kanilang mga natutunan at ang serbisyo ay hindi lamang basta tungkuli, ito ay panata sa sambayanan.

Dagdag pa ng Pangulo, ang pamumunong nakabatay sa serbisyo, inobasyon, at teknikal na kaalaman ang magiging pinakamabisang sandata laban sa mga bagong banta at modernong labanan.

Anang Pangulo, magsisimula ito sa pamumuhunan sa mga tauhan at sa pagsasanay ng mga bagong lider na magbubuklod ng tradisyon at makabagong pamamaraan.

Kaya nakapokus ang administrasyon sa pagpapatatag sa AFP bilang  “a beacon of strength, of alliance, resilience, and technological excellence.”

Target ng pamahalaan na hubugin ang AFP para maging isang  “a world-class force that is a source of national pride and national security.”

VERLIN RUIZ