(ni VICKY CERVALES mga kuha nina RUSTY ROMAN at DINDO CAPILI)
ISA sa maambisyosong programa ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build, Build, Build projects ang inaasahang bubuksan na ngayong taon, ang New Clark City na nasa Capas, Tarlac.
Ipinagmamalaki ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa tulong ng kanilang joint venture partner MTD, Philippines ang konstruksiyon ng mga pasilidad na pang-world class.
Ayon kay BCDA President Vince Dizon nang mag-site visit sina Senators Panfilo Lacson at Gringo Honasan sa New Clark City, puwede nang magsanay ang mga atleta ng Filipinas na lalahok sa SEA Games sa unang linggo ng Agosto at maaari na rin silang manatili sa ginawang Athletes’ Village na halos katabi lang ng naturang stadium.
“Right now I think we are at 85 to 88% na completion… Ang gagawin na lang dito ay lilinisin na lang ’yung area at aayusin na lang ’yung landscape,” ani Dizon.
Nabatid naman kay Patrick P. Nicholas David, MTD Philippines president na matatapos na ang first phase ng New Clark City sa loob ng tatlong buwan simula ngayon na mas napaaga sa deadline na ibinigay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“We are on track of meeting the actual deadline set by the government of finishing it by October 15. And we are actually eyeing to meet our self-imposed deadline of August 31, or within the next 73 days,” ani David.
Inihayag pa nito na upang masigurong makasunod sa deadline ng konstrusksiyon ay nag-hire ng 8,000 workers ang MTD Philippines na kung saan nag-o-operate ng 24-oras.
Sinabi pa ni David, nasa 80 porsiyento na ang natatapos sa unang bahagi ng nasabing konstruksiyon na tinatawag na New Clark City sports complex na may 9,450 ektarya na kung saan nakatayo ang Athletics Stadium na may 20,000-seater, ang Aquatic Center na may 2,000-seater at ang Athletics’ Village na siyang magiging tahanan ng mga atleta sa idaraos na 2019 Southeast Asian (SEA) Games na ang Filipinas ang host sa Nobyembre ng taong ito.
Kasama rin sa inaasahang matatapos ay ang pasisinayaan sa Nobyembre ang National Government Administrative Center (NGAC) at ang government residences.
Nauna nang sinabi ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez III na may malaking pagbabago sa sandaling matapos ang New Clark City na siyang susunod na “metropolis” at mababawasan na ang dami ng populasyon sa Metro Manila.
Idinagdag pa ni Dominguez na nakikita nito na ang New Clark City bilang lugar ng agro-industrial activities, home to cutting-edge technology, logistics companies at host ng well-equipped backup government centers at world-class sports facilities.
Gayundin, kabilang sa konstruksiyon ng New Clark City ang pagpapalawak sa Clark International Airport na gagawing world-class terminal na kayang mag-accommodate ng 8 milyong pasahero taon-taon na makatutulong upang maibsan ang dami ng biyahero sa Ninoy Aquino International Airport sa Parañaque City at ang paglalagay ng railways patungo sa Subic at Manila.