OPISYAL nang binuksan ang 3.17-kilometrong Panguil Bay Bridge Project (PBBP) ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Biyernes, na magpapahusay sa koneksiyon at magpapalakas sa ekonomiya ng Mindanao.
Sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ay sinamahan nina Secretary Manuel M. Bonoan, Korean Ambassador to the Philippines Lee Sang-Hwa, at Senior Undersecretary Emil K. Sadain sa pagpapasinaya ng milestone project na kinikilala ngayon bilang pinakamahabang sea-crossing bridge sa nasabing lugar.
Naroon din sa seremonya sina Office of the Presidential Advisor on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito G. Galvez Jr., Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro, Korea Export-Import Bank (KEXIM Bank) Director General Cho In-Kyo, Lanao del Norte Governor Imelda Q. Dimaporo, Misamis Occidental Governor Henry S. Oaminal at iba pang opisyal ng gobyerno.
Ang proyekto na ipinatupad ng DPWH Unified Project Management Office – Roads Management Cluster II (Multilateral) sa ilalim ng direktang superbisyon ni Senior Undersecretary Sadain, kasama ang dating Project Director na si Sharif Madsmo H. Hasim at kasalukuyang Project Director na si Teresita V. Bauzon ay nagkakahalaga ng P8.026 bilyon.
Ang proyekto ay isinagawa sa pamamagitan ng isang loan agreement na nilagdaan noong 2016 sa pagitan ng Philippine government at ng Korean Export-Import Bank-Economic Development Cooperation Fund (KEDCF) sa ilalim ng Loan Agreement No. PHL-18.
Nagsimula ang proyekto sa isang pre-feasibility study noong 1998 na sinundan ng ilang feasibility assessments at komprehensibong business case study upang makuha ang pag-apruba ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board noong Mayo 2015 na nagpatibay sa proyektong ito upang mapag-ugnay ang Lanao del Norte at Misamis Occidental sa Hilagang Mindanao.
Ang mga sumunod na taon ay kinailangan ng masusing pagpaplano, maraming pag-apruba at mga pagbabago hanggang sa umabot sa procurement phase noong 2018 kung saan na-evaluate ang mga bids at napirmahan ang mga kontrata noong Nobyembre 2019.
Ang mahalagang impraestrakturang ito na tumatawid sa Panguil Bay at direktang nag-uugnay sa Misamis Occidental sa pamamagitan ng Tangub City at Lanao del Norte sa pamamagitan ng bayan ng Tubod ay maingat na dinisenyo gamit ang malawak na geotechnical surveys.
Nagsimula ang aktwal na trabaho sa disenyo at konstruksiyon ng Panguil Bay Bridge noong Pebrero 28, 2020, ngunit naharap sa mga pagkaantala dahil sa pandemya at kakulangan sa pondo.
Gayunpaman, sa pangako ng administrasyon na “Build Better More” at mas mabilis na pagpapaunlad ng impraestraktura, itinuloy ang konstruksiyon nang walang pag-aatubili.
Ang proyekto ay gumamit ng advanced na teknolohiya mula sa Korea kabilang ang reverse circulation drilling sa mga barge upang lumikha ng mga boreholes at ang paggamit ng makakapal na permanent steel casings sa pamamagitan ng revolving crane barges at vibro pile hammers.
Dagdag pa rito, dalawang land at sea-based batching plants ang nagsu-supply ng ready-mixed concrete para sa proyekto.
Ang tulay ay may 54 board piles para sa 32 piers na nagbibigay ng matibay na pundasyon upang suportahan ang mega structure na may 2-lane, 2-way traffic na may lapad na 13 metro ang kalsada.
Kasama sa proyekto ang 360-metron approach road patungo sa 1,020-metron approach bridge sa bahagi ng Tangub City at 569-metron approach road na nag-uugnay sa 900-metron approach bridge sa bahagi ng Tubod.
Parehong itinayo ang mga approaches gamit ang pre-stressed concrete box girders sa pamamagitan ng incremental launching method.
Ang world-class na disenyo nito ay may extra-dosed main bridge, na may 320-metron central span, suportado ng dalawang pylons na may taas na 20 metro na iniangkla ng anim na cable stays at may kasamang lighting system na nagbibigay ng estruktural na suporta at nagpapahusay sa aesthetics at kaligtasan ng tulay sa gabi.
Malaki ang mababawas sa oras ng biyahe sa pagitan ng Misamis Occidental at Lanao del Norte sa pitong minuto mula sa dating dalawa hanggang dalawa’t kalahating oras gamit ang Roll-On, Roll Off (RoRo) vessels mula Ozamiz papuntang Mucas sa Lanao Del Norte o sa mas mahahabang ruta sa Tangub-Molave-Tubod o Tangub-Kapatagan-Tubod na may distansyang mahigit 100 kilometro.
RUBEN FUENTES