NAKATAKDANG pasinayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ang unang ‘landport’ sa bansa, sa Nobyembre 5.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang PITX ang unang integrated at multi-modal terminal sa timog-kanlurang bahagi ng Metro Manila, na magsisilbing transfer point ng provincial buses mula sa Cavite, Batangas, at in-city modes of transportation.
“Handa na po kaming buksan ang kauna-unahan nating landport. Isa itong terminal kung saan parang airport ang facilities at serbisyo,” pahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade.
Sinabi ni Tugade na hindi lamang ito isang ordinaryong terminal, kundi isang landmark transportation hub para sa sambayanan.
Naunang tinawag na Southwest Integrated Transport System (ITS) noong Aquino administration, ang PITX ay na-bid out bilang isang PPP project noong 2014.
Matatagpuan sa Coastal Road, ang PITX ay magkakaloob ng inter-connectivity sa pagitan ng iba’t ibang transport services at magpapabawas sa provincial buses na bumibiyahe sa EDSA at Taft Avenue sa Pasay City.
Ang terminal ay may maximum daily capacity na 100,000 pasahero at peak-hour passenger volume na 4,380 arrivals at 3,808 departures. Ang biyahe kada araw ay tinatayang nasa 1,060 arrivals at 949 departures.
Kapapalooban ito ng 59 bays para sa provincial at city buses, 49 bays para sa UV express at jeepneys, at 852 car parking slots.
Comments are closed.