WORLD CUP: JAPAN PASOK SA ‘LAST 16’

VOLGOGRAD, Russia – Yumuko ang Japan sa Poland, 0-1, noong Huwebes subalit masuwerteng nakalusot upang maging unang Asian team na nakapasok sa ‘last 16’ ng  World Cup dito, salamat sa bagong disciplinary tie-breaker rule ng FIFA.

Umakyat ang Japan sa ika­lawang puwesto sa Group H, salamat sa kanilang players na tumanggap ng apat na yellow cards, mas kaunti ng dalawa sa Senegal, na nasibak sa kontensiyon.

Nangangahulugan ito na walang African representatives sa knockout phase.

Ang Senegal,  natalo sa Colombia, 0-1, ay nagtapos na tabla sa points, goal difference at naiskor na goals sa Japan kaya binasag ang kanilang pagtatabla sa pamamagitan ng tie-break rule na ipinatupad sa World Cup na ito sa unang pagkakataon.

Susunod na makakasagupa ng Japan, na kinailangan lamang ng draw laban sa Poland upang matiyak ang pagkuwalipika, ang Belgium, na nanalo sa  Group G decider.

Inaasahan ng mga football fans mula Japan ang muling pagpapakitang-gilas ng 35-anyos na goal keeper na si Eiji Kawashima.

Batay sa report, mas lalong umiinit ang tunggalian ng iba’t ibang koponan at patuloy rin ang pagbuhos ng mga turista roon.

Kasabay ng pagbuhos ng fans ay lalong hinigpitan ang seguridad sa metro public na sentro ng Russia.

Samantala, ang 16 koponan na pumasok sa knockout stage na magsisimula ngayong gabi ay ang France vs. Argentina, Uruguay vs. Portugal, Spain vs. Russia, Croatia vs. Denmark, Brazil vs. Mexico, Belgium vs. Japan, Sweden vs. Switzerland at Colombia vs. England.

Comments are closed.