NAGDUDUMILAT ang katotohanan na maraming kompanya at pabrika ang nagsara sa Pilipinas sa mga nakalipas na taon.
Nagpapatuloy pa ito sa kasalukuyan dahil sinasagasaan naman daw ng halos walang kontrol na importasyon, pagpasok ng mga smuggled items, krisis at iba pa.
Maging ang gobyerno ay hindi pa raw masyadong natutugunan ito.
Sa kabilang banda, ginagawan naman ito ng paraan ng mga economic manager ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Kinakawawa nga lang daw ng ilang mapagsamantalang negosyante ang mga farmer at local manufacturers.
Sa paglaganap naman ng makabagong teknolohiya, mabilis nang maikot ng mga Pilipino ang buong mundo.
Nariyan ang Google Earth o Maps para tingnan ang iba’t ibang lugar sa sanlibutan.
Kahit hindi mo pa napupuntahan ang isang lugar, para na ring narating mo ito.
Masasabing parang pagpili din iyan ng produkto na kahit nasaan man ito ay mabibili mo na ito sa internet o online shopping mula sa bansa o sa ibayong dagat.
Ganyan ang nagagawa ng teknolohiya.
Sa pamamagitan nga rin ng modern technology at social media, puwedeng ibida, hindi lang ang mga produkto na mayroon ang Pilipinas, kundi maging ang turismo at mga serbisyong mayroon tayo.
Katunayan, inanunsiyo nga kamakailan ni Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na balak nitong isabak ang bansa sa World Expo mula Abril 13 hanggang Oktubre 13, 2025.
Kung matatandaan, lumahok din naman tayo sa nakaraang expo sa Dubai mula Oktubre 1, 2021 hanggang Marso 3, 2022.
Dumalo rin pala si Frasco sa Japan Fiesta 2023 na ginanap sa Glorietta Activity Center and Palm Drive Activity Center sa Makati City kamakailan din na inorganisa ng Embassy of Japan, Japan National Tourism Organization (JNTO), Japan Foundation Manila, Japanese Chamber of Commerce and Industry of the Philippines Inc. (JCCIP), at Japanese Association Manila Inc. na mas kilala bilang Japanese Fiesta Council.
Inilarawan ito ni Japanese Ambassador to Manila Koshikawa Kazuhiko bilang kalugod-lugod na selebrasyon.
Masaya raw si Kazuhiko na naipakita muli at naipatikim nila sa mga Pinoy ang kanilang mga produkto tulad ng sashimi, sake, at sakura.
Nagtipon sa event ang malalaking airlines at travel agencies kung saan nakapagpa-book pa ng tickets ang mga bisita, nakakuha ng schedule sa kanilang tour, at nakabili ng travel essentials.
Ayon kay Frasco, sa Word Expo naman sa Japan ay maraming ibibida ang Pilipinas.
Tama naman ang kalihim, maraming puwedeng ipagmalaki ang bansa kaparis ng iba’t ibang mga produkto na maaaring magpabangon sa mahina pa rin nating ekonomiya.
Bagama’t mahirap sa simula, tiyak kong may kahahantungan naman ang mga ginagawa ngayon ng administrasyon.
Ngunit dapat din sigurong bawas-bawasan ang pag-aangkat ng mga imported product.
Mahalaga ring pangunahan ng mga lider at ng gobyerno mismo ang anumang mga programa o proyekto na may kinalaman dito para matuto rin ang mamamayan na bilhin ang produktong Pinoy.
Naaalala ko tuloy na minsan ay nagkaroon ng special provisions sa national budget noong 2002 ukol sa pagbuhay sa “Filipino First” kung saan nakasaad na lahat ng mga equipment, supplies at iba pang produkto na bibilhin ay kinakailangang gawa locally o gawa lamang sa atin.
Makababangon din naman tayo mula sa krisis, kasama ang ekonomiya, kung tayo’y sama-sama dahil sa pagbili natin ng sariling atin ay posibleng matulungang magbukas muli ang mga kompanya o pabrikang nagsara.