ANG EVENT na talaga namang kinasasabikan ng bayang sabungero, ang WORLD GAMEFOWL EXPO, ay malapit na malapit na at aabutin ng 300 booths ang sasali rito.
Ito na marahil ang pagsasama at pagkakaisa sa iisang industriya ng halos lahat ng kompanya sa industriya ng manok panabong, mga sikat na nagpapalahi ng manok at mga bagong umuusbong na pumasok na rin sa pagpapalahi. Ang WORLD GAMEFOWL EXPO ay natatanging event na nagbibigay-pugay sa industriya ng manok panabong sa ating bansa. Ang nakatutuwa pa rito ay pati mga gumagawa ng TARI AT ACCESSORIES ay nandito na rin. Si Richard Cali Tan Bilan, isang OFW na nakilala sa kalidad ng mga bakal na kanyang inaangkat mula sa GERMANY tulad ng KARNASCH AT SA HOLLAND NA KINKELDER, ay isang patunay na pagdating sa kagamitan ng mga manok tulad ng tari ay masususing sinusuri kung ano ang angkop sa panlasa ng mga Pinoy sabungero.
Ang KARNASCH AT KINKELDER, marahil, ay dalawa lamang sa mga bakal na pinakamaganda ang uri at kalidad. Si Cali Tan na isa ring mananari ay pinag-aralang mabuti ang iba’t ibang uri ng bakal at ang dalawang ito ay tumatak sa kanyang antas pag-dating sa kalidad ng bakal na gagamitin sa paggawa ng tari.
Nakatutuwang pagmasdan na sa likod ng dalawang nagsasabong na mga manok ay isang napakalaki at masiglang industriya na marami ang nakikinabang at kumikita sa iba’t ibang uri ng negosyo na maaaring pasukin ng mga nangangalakal at mahilig sa sabong.
Kayo po ay aking inaanyayahan sa ENERO 18-20, 2019 sa World Trade Center at maging saksi sa napakasaya, masigla at maunlad na industriya ng manok panabong sa ating bansa. Halos lahat po ng mga hinahangaan nating gamefowl breeders mula Lu-zon, Visayas at Mindanao ay magdadala ng kanilang kampeon at magagaling na mga palahi upang maibahagi sa bayang sabungero. May magdadala ng sisiw at murang halaga ng mga dekalidad na manok sa expong ito.
Bilang isa sa katuwang sa expong ito, kasama si Raquel Romero na nag-isip at bumuo ng WORLD GAMEFOWL EXPO, marami pong mga sorpresa at bagong kaalaman ang ibabahagi ng iba’t ibang kompanya na sponsor dito tulad ng BMEG INTEGRA, SAGUPAAN SUPERFEEDS, WARHAWK, TATAK EXCELLENCE POULTRY AND LIVESTOCK SPECIALIST at marami pang iba.
Iba’t ibang uri ng patuka, gamot, suplemento, gamit sa farm tulad ng mga incubator, kulungan, grass cutters, generator, lambat at accesories sa tari ay matatagpuan IN ONE ROOF, ika nga.
Ang WORLD GAMEFOWL EXPO po ay itinatag upang bigyan ng respeto at pagkilala ang isport at industriya ng sabong sa ating bansa at upang makita ng buong mundo ang buting hatid nito sa nakararaming nilalang.
Ito rin po ay pagpapatunay na mali ang paratang na ang sabong ay isang sugal lamang at kalupitan sa hayop. Sa pamamagitan ng WORLD GAMEFOWL EXPO, sana po ay mabigyan ng kalinawan ang paniniwala ng iba na masama ang mahilig sa isport na ito. Magkita-kita po tayo sa WORLD TRADE CENTER sa ENERO 18-20, 2019.
Comments are closed.