WORLD GAMES: PH ATHLETES HANDA NA SA ‘GIYERA’

ISANG maliit na 10-athlete Philippine delegation ang nagmartsa sa likod ng bandila ng bansa na bitbit ni powerlifter Joyce Gail Reboton sa opening ceremony ng World Games nitong Biyernes sa Protective Stadium sa Birmingham, Alabama.

Naantala ng isang taon dahil sa COVID-19 pandemic, sinabi ni chef de mission Patrick ‘Pato’ Gregorio na puno ng “energy and enthusiasm” ang mga Filipino athlete para sa games na nilalahukan ng buong mundo ngunit hindi kabilang sa Olympic program.

“Our athletes are ready for the competition and hopefully we’re going to make the podium,” sabi ni Gregorio, presidente ng Philippine Rowing Association.

Ang Team Philippines ay pangungunahan ni Carlo Biado, nakopo ang nag-iisang gold medal ng bansa sa kasalukuyan sa 2017 World Games sa Wroclaw, Poland.

Makakasama nina Biado at Reboton sina billiards ace Rubilen Amit, jiu-jitsu champion Annie Ramirez, karate star Junna Tsukii, muay sensations Philip Delarmino at Leeana Bade at duathlon top bets Marion Kim Mangrobang, John Chicano at Fernando Caseres.

Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino na madadagdagan ng mga Pinoy athlete ang isang gold, limang silver at limang bronze medals na napagwagian ng bansa sa games magmula nang magsimulang lumahok ang mga Filipino athlete sa games’ debut noong 1981 sa Santa Clara, California.

“Coming off the Vietnam Southeast Asian Games, our athletes are prepared for the competition,” ani Tolentino. “They have tapered down from the Vietnam SEA Games and are now in peak form.”

Ang Alabama edition ng games ay lalahukan ng 3,600 athletes mula sa 110 bansa, kabilang ang war-torn Ukraine, na ang mga atleta ay binigyan ng standing ovation habang nagmamatsa sa paligid ng stadium sa opening ­ceremony.