SA sports man o sa kasiyahan ng Barangay Ginebra, kaagapay ng Pinoy ang Ginebra San Miguel.
Sa gitna ang nakalulugmok na pandemya, muling nagdiwang ang Barangay Ginebra matapos na muling maging kampeon – sa ika-apat na pagkakataon – sa nakalipas na Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup nang gapiin ang Meralco Bolts, 103-92, para maisara ang serye sa 4-2.
Sa idinadaos na All-Filipino Conference, nananatiling paborito ang Gin Kings.
Habang abala ang Barangay Ginebra sa PBA, inilunsad na rin ng Ginebra San Miguel Inc. (GSMI), ang programa para muling ipagdiwang ang World Gin Day (WGD).
Ang kasiyahan na naudlot din ng dalawang taon ay isang buwang kasiyahan na sinimulan sa isinagawang media launching nitong Hunyo 10 sa Makati Diamond Residences, bago sinimulan ang Gin Bar Crawl challenge sa buong Pilipinas nitong Hunyo 11. Isasagawa ang programa kada Sabado sa buong buwan ng Hunyo.
Pinangunahan ni GSMI AVP and Marketing Manager Ronald Rudolf C. Molina ang WGD launching, kasabay ang pasasalamat sa sambayanang Pinoy sa walang swang suporta sa produktong natatanging gawang Pinoy.
Nagsimula ang WGD noong Hunyo 13, 2009, sa Birmingham, England. Pinangunahan ng GSMI ang unang WGD celebration sa Asia Pacific region noong 2014, kasabay sa pagdiriwang ng ika-180 taon ng pagkakatatag ng flagship brand, Ginebra San Miguel. Mula noon, taon-taong hinihintay ng mga Pinoy gin enthusiasts ang WGD.
Sa isinagawang media launching, ipinakilala rin ng apat na premyadong Pinoy professional mixologists ang natatanging gawa at kakaibang mixed cocktails gamit ang produkto ng GSMI.
Sa mga piling bar sa buong Pilipinas, pinakaaabangan na ang natatanging Gin Bar Crawl challenge. Naghihintay sa mga gin lovers ang limang natatanging timpla ng cocktails gamit ang GSMI gin products (Ginebra San Miguel, GSM Blue, GSM Premium Gin, at 1834 Premium Distilled Gin).
– EDWIN ROLLON