WORLD PANDESAL DAY: Pagdiriwang ng Pamana ng Pilipino at Laban Kontra Gutom

Sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., Pangalawang Pangulo Sara Duterte, at iba pang mga lider ay nagpahayag ng suporta para sa taunang “World Pandesal Day” tuwing Oktubre 16, isang natatanging pagdiriwang na nagpaparangal sa iconic na tinapay ng Pilipino habang binibigyang pansin ang seryosong isyu ng gutom sa buong mundo. Pinangungunahan ng 85-taong Kamuning Bakery Café sa Barangay Kamuning, Quezon City, magbibigay ito ng 70,000 libreng pandesal sa araw na iyon mula alas-10 ng umaga, kasama ang keso, sardinas, hamon, kape, fruit jams, juices, at iba pang mga regalo.

Ang pandaigdigang pagdiriwang ay hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa mga panaderya at cafe sa Hilagang Amerika, Europa, Asya, at iba pang mga rehiyon na nakikiisa sa diwa ng pagbibigay sa mga nakaraang taon. Magpapadala rin ng libreng pandesal sa mga ampunan sa buong Metro Manila.

Ayon kay Wilson Lee Flores, may-ari ng Kamuning Bakery Café, ang inspirasyon sa #WorldPandesalDay ay nagmula sa kwento sa Bibliya ng isang batang lalaki na nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda, na himalang pinarami ni Hesukristo upang mapakain ang libo-libo. “Ang kaganapang ito ay nagpapaalala sa atin na kahit ang pinakamaliit na pagkilos ng pagbabahagi ay maaa­ring magbigay ng pag-asa at magdulot ng pagbabago. Sama-sama, tulungan natin labanan ang gutom,” sabi ni Flores.

Ilan sa mga iba pang mga proyektong sibiko ng Kamuning Bakery Café ay ang pagho-host ng non-partisan Pandesal Forum, ang taunang pagdiriwang ng World Poetry Day, at ang taunang pagbibigay ng mga bagong pampublikong paaralan sa mga mahihirap na lugar sa Pilipinas.

Sa Oktubre 11, 2024, Biyernes ng alas-11 ng umaga, pormal na ipagkakaloob ng Kamuning Bakery Café ang donas­yon nitong pampublikong gusali ng paaralan sa Sinait Elementary School sa 371 P. Burgos Street, Brgy. Sinait, Tar­lac City. Noong Mayo 3 ngayong taon, ipinagkaloob din  ang isang bagong gusali ng paaralan na may apat na silid-aralan sa Dinalaoan Elementary School sa Barangay Dinalaoan, Calasiao, Pangasinan kasabay ng pista ng Calasiao.

Simula noong 2015, ang World Pandesal Day ay nakatanggap ng suporta mula sa mga kilalang tao at institusyon. Ang unang selebrasyon ay inilunsad nina dating Senador Sonny Angara, GMA Network, Inc. Chairman Felipe Gozon, aktor na si Dingdong Dantes, at Wilson Lee Flores sa Kamuning Ba­kery Café.

Samantala, pinuri ng Pangulong Marcos, Jr. ang taon-taon,  gawaing ito upang labanan ang gutom sa komunidad. “Sa paggawa nito, nagbibigay din ito ng kamalayan sa ating panlipunang responsibilidad habang nagbabahagi ng init at aliw sa mga higit na nangangailangan nito,” anang Pangulo.

“Kaya’t buong puso kong tinatanggap ang Kamuning Bakery habang idinadaos nito ang ika-10 World Pandesal Day. Ang tagumpay ninyo sa nakalipas na dekada at ang lawak ng naabot nito kasama ang dami ng mga tao at organisasyong sumusunod sa inyong hakbang ay patunay na ang mga pinakadakilang bisyon ay nagiging realidad kapag ang tunay na malasakit at pagmamahal sa kapwa ang pangunahing dahilan ng ating mga pagkilos.”