LALARGA ang pinakaprestihiyosong cockfighting derby at kilala bilang Olympics of Sabong, ang World Slasher Cup, sa Enero 2020 bilang pagpupugay kay legendary American breeder Ray Alexander.
Ang pinakaaabangang 9-cock invitational international derby ay sisiyapol sa Enero 20, 2020 sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum sa newly rebranded Araneta City sa Quezon City.
Ang invitational derby na gaganapin ang Grand Finals sa Enero 26, 2020 ay inaasahang tatampukan ng mga kapana-panabik na lehitimong bakbakan ng pinakamahuhusay na fowl fighters at cockers sa mundo.
Inaasahang huhugot ng daan-daang entries mula sa bansa at sa buong mundo, ang WSC 2020 ay magbibigay ng pagkakataon sa mga sabong enthusiast na makipagbakbakan sa WSC 2 2019 champions Thunderbid 1 (Nene Araneta, Frank Berin) at RC Warriors JD (Rey Cañedo at Jun Durano), na siguradong magbabalik para idepensa ang kanilang mga titulo.
Umaasa rin ang mga tagahanga at fighter na babalik sina WSC 1 2019 solo champs Cris Copas ng Kentucky, USA at partner Claude Bautista ng CPB Group of Mindanao.
Ang iba pang WSC veterans at former champs na inaasahang lalahok para sa pot money, imported trophy, at sa championship title ay sina seven-time WSC champ Patrick ‘Idol’ Antonio, Escolin brothers, media man Rey Briones, Magno Lim, Gerry Tesorero, at marami pang iba.
Ang WSC 2020 ay magbibigay-pugay kay legendary gamefowl breeder Rey Alexander, na pumanaw noong Hulyo 2019 sa edad na 82. Si Alexander ang isa sa mga nanguna sa pagdaraos ng World Slasher Cup noong early ‘70s, at kinumbinse ang mga American fighter at breeder na magtungo sa Filipinas at lumahok sa kumpetisyon.
Isang icon sa sport, nakuha ni Alexander ang respeto ng cockfighting enthusiasts sa buong mundo, partikular sa US, Mexico, Hawaii, at Filipinas, na kanyang binisita sa loob ng halos 50 taon.
Nagwagi siya ng Cocker of the Year back-to-back sa Sunset, Indiana at sa maraming iba pang kumpetisyon sa US.
Maraming top Filipino breeders ang nanalo ng sabong titles dahil sa kanyang mga manok, at walang masabi kundi puro papuri sa Filipino fighters na inilarawan niya bilang “best cockfighters right now… because they do it every day.”
Ang mga interesadong lumahok sa WSC 2020 na gaganapin mula Enero 20 hanggang Enero 26 ay maaari nang magpatala sa www.worldslashercup.ph. Maaari ring tumawag sa WSC Derby Office sa (8)588-8227 o (8)911-2928.
Para sa karagdagang impormasyon at updates, maaaring i-follow ng WSC enthusiasts ang kanilang bagong Facebook page (@worldslashercup2020) o bumisita sa website www.worldslashercup.ph.
Comments are closed.