ANG sabong ay kilala bilang national pastime ng mga Pilipino. Mapaprobinsiya o dito sa Maynila, hindi kaila na marami pa ring mga sabungan na dinarayo ng mga sabungero para makapanood ng matitinding sagupaan ng mga manok.
Para sa maraming sabungero, ang pinakaprestihiyosong titulo ng sabong pa rin na pangarap makamit ng marami ay ang maging champion sa World Slasher Cup na idinaraos dalawang beses taon-taon sa makasaysayang venue na Smart Araneta Coliseum sa Araneta Center, Quezon City. Dito nagsasagupaan ang pinakabigating breeds ng manok, at alam ng mga mananabong na rito masusubukan talaga ang mga panama nilang gamefowl.
Nagsimulang magkaroon ng sabong sa Araneta Coliseum noong 1963. Madalas ay national derbies lang noon ang nagaganap sa Coliseum hanggang noong ‘80s, kung kailan nagsimulang maging taon-taon ang sabong at naging international derby na rin ito na nilalahukan ng mga sabong aficionado mula sa iba’t ibang estado sa Amerika, at ibang bansa sa Europa at Asya. Dito na ito nakilala bilang World Slasher Cup, na hino-host ng Pintakasi of Champions.
Lalong uminit ang pangalan nito sa mga sabungero sa buong mundo, at nabansagan itong ‘Olympics of Sabong’ kung saan ang pinakamagagaling na manok lamang ang isinasali ng mga breeder. Hindi na lamang siya Filipino pastime; itong larong ito na minana pa natin sa mga ninuno natin bago pa dumating dito ang mga Espanyol ay naging tunay na ‘gentleman’s sport’ kung saan ang mga sumasali at nanonood ay sumusunod sa code of honor, at laging patas at malinis ang labanan – maging maliit na sabungero ka man, o mayamang may-ari ng farms.
Katunayan, ayon kay 2017 World Slasher Cup solo champion Patrick Antonio, “Maririnig ninyo ang mga usapan ng mga sabungero sa WSC: ‘Mas may laban tayo kung sa Araneta tayo pupunta!’” Ika-pitong championship na ito ni Antonio, kaya naman maraming tumatanaw sa kanya na sabong idol. Patuloy pa niya na maraming sabungero ang pabor sa WSC dahil sa maayos na pamamalakad at pantay-pantay na trato sa mga participant. “’Yan ang isa sa mga dahilan na patuloy pa rin akong sumasali sa World Slasher Cup,” aniya.
Para sa maraming sabungero, ang pagkakaroon ng malaking derby gaya ng WSC ay malaking suporta sa mga tulad nila. Bukod sa mahilig sumali sa sabong, marami ring industriya itong natutulungan gaya ng feeds at supplements dahil nananatiling malaking supporters ng sabong ang mga tulad ng Thunderbird, at Excellence Poultry and Livestock Specialists; mga breeding farm dito at sa ibang bansa; at mga cockpit sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Bukod dito, namumukadkad pa rin ang tradisyon ng mga kristo, ang tawag sa mga tagapusta sa sabong, na umaasa rin sa mga laban para sa kanilang kita.
Nagkalat na rin ang iba’t ibang sabong TV shows, na namamayagpag dahil din buhay na buhay pa ang interes ng tao rito. Kabilang dito ang “Bakbakan Na TV,” “Tukaan,” “Sagupaan,” at iba pa. May mga magazine din at specialized publication na nakatuon lamang sa sabong. Kapalit naman nito, nakatutulong ang mga programa at mga babasahing ganito sa pagpapanatiling laganap ang sabong.
“Ang tradisyon ng sabong ay nasa dugo nating mga Pilipino,” pahayag ni Dong Lamoste, ang pinuno ng Derby Office at beteranong namamahala sa WSC. “Para sa mahihilig dito, isang karangalan para sa mga fighting fowl na lumaban hanggang sa huli. Para ring tao ‘yan, kagitingan ang paglaban ng mga manok sa ruweda at tanghaling itong kampeon.”
Ang World Slasher Cup ay ginaganap tuwing dulo ng Enero o simula ng Pebrero, at tuwing Mayo, sa Araneta Coliseum. Naging ugali na ng maraming sabungero na dayuhin ang laban at pagkatapos ng season, na bumili ng mga DVD boxed set ng WSC para mapanood ito ng mga kababayan sa ibang bansa. Sa loob ng Coliseum, halo-halong Pilipino at mga dayuhan ang nakatutok sa bawat laban, na minsan ay umaabot ng higit-kumulang 120 fights sa isang araw, na minsan ay nagsisimula sa alas-11 ng umaga hanggang alas-2 kinabukasan.
Marami sa mga nakaraang kampeon ng WSC ang paulit-ulit ding sumasali, gaya ng mga prominenteng sina Ed Aparri at Art de Castro, Frank Berin at marami pang iba. Sa mga foreigner naman, madalas makikita sa WSC ang mga batikang breeder gaya nina Ray Alexander ng Alabama, Lonnie Harper ng Mississippi, at Mike Formosa ng California.
Muling nagsalpukan ang mga fighting breed sa WSC 2 noong Mayo 6 hanggang Mayo 12 sa Smart Araneta Coliseum. Itinanghal na kampeon si Rey Briones ng Greengold Uno.
Comments are closed.