WORLD SLASHER CUP LALARGA SA ENERO 26

sabong

MULING magtatapat sa isang maaksiyong labanan ang mga bigating sabungero mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa unang araw ng eliminasyon sa taunang World Slasher Cup sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum sa Huwebes, Enero 26.

Ipinakilala nitong Sabado ang mga kalahok sa 9-cock invitational derby sa pagsisimula ng programa sa Novotel Manila Araneta City.

Ayon kay WSC Derby Office head at Smart Araneta Coliseum pit manager Dong Lamoste, nasa 208 entries ang inaasahang maghaharap sa isang linggong bakbakan mula Enero 26 hanggang Pebrero 1.

“Abangan nila dahil marami ang nagbabalik sa Smart Araneta Coliseum,” ani Lamoste.

Muling aakyat ng ruweda ang mga dating kampeon tulad ni four-time World Slasher Cup champion Rey Briones at iba pang multi-titled breeders at cockers.

Inaasahan ding magbabalik sa Big Dome sina 2022 defending champion Roel Facundo, B. Joson, at J. Bacar ng D’ Shipper/BBB entry, at Nyok, Tony, at Engr. Canlas ng Guagua Cockpit 1 entry.

Ang two-cock elimination round ay nakatakda sa Enero 26 at 27, three-cock semi-finals sa Enero 28 at 29, four-cock pre-finals sa Enero 31, habang ang four-cock grand finals ay sisiyapol naman sa Pebrero 1. DADI TSIKEN