NAGIGING bahagi na ng buhay ng marami sa atin ang mga epekto ng climate change. At dahil dito, laman na ito ng ating isip at puso sa maraming pagkakataon. Ang sobrang init, kakulangan ng pagkain at tubig, pagbabaha, matitinding bagyo, sunog sa kagubatan, pagkakalbo ng ating mga bundok at gubat, pagkawala ng iba’t-ibang uri ng nilalang, at iba pa, ay ilan lamang sa mga pangyayaring kaugnay ng climate change na kasalukuyang sumisira sa buhay, kabuhayan, ari-arian ng malaking bahagi ng ating pandaigdigang populasyon.
Habang ang pandaigdigang komperensiya ay nagaganap sa COP27 sa bansang Egypt, hindi naman maiwasan ng maraming tao ang makaramdam ng pagkabalisa tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng daigdig at ang magiging resulta ng mga pag-uusap sa naturang komperensiya.
Higit sa lahat, nag-aalala ang mga kabataan at nakakaapekto ito sa kanilang kalusugang pisikal at pangkaisipan. Ang palagiang takot o pag-aalala tungkol sa kinabukasan ng ating planeta ay maaaring magdulot ng sakit. Ang mga eksperto ay may bansag na para dito: “eco-anxiety”. Ito ang matinding pag-aalala tungkol sa global warming at kawalan ng sapat na pagkilos ng tao. Ang mga nagaganap na kalamidad at mga balita tungkol sa mga pangyayaring nakakapag-alala ay nakakadagdag pa sa nararamdamang pagkabalisa.
Kaugnay ng tinatawag na eco-anxiety ay ang konsepto ng “ecological o climate grief”, isa ring bagong termino na tumutukoy sa pagluluksang kaugnay ng klima. Ayon sa isang artikulo sa International Journal of Environmental Research and Public Health, ang ecological grief umano ay ang pagluluksang nararamdaman kaugnay ng naranasan o kinatatakutang pagkawalang may kinalaman sa kalikasan.
Kasama rito ang pagkawala ng ecosystem, mga uri ng hayop at halaman, at kapaligiran dahil sa pagbabago sa ating kalikasan.
(Itutuloy…)