WORRIED KA RIN BA SA CLIMATE CHANGE?

(Pagpapatuloy…)
Ang ganitong uri ng pagluluksa ay nagdudulot din ng iba’t-ibang epektong pang-sikolohikal.

Ganunpaman, hindi ito dapat na ituring na disorder o sakit sapagkat ito ay normal na tugon lamang sa pagkawala ng tao, bagay, lugar, at iba pa. Ito ay ayon kay Caroline Hickman, Ph.D., isang taga-lektyur at mananaliksik tungkol sa climate change psychology sa University of Bath sa bansang Ingglatera. Ayon sa mga eksperto, ang climate grief umano ay maaaring mauwi sa pagkabalisa.

How then do we cope with this grief? Paano tayo magluluksa? Paano natin haharapin ang sitwasyong nararanasan ng marami sa ngayon—ang pagkawala ng seguridad, kalikasan, mga uri ng hayop at halaman, lugar, at iba pa dahil sa di-normal na pagbabago sa ating klima? At paano natin tutulungan at susuportahan ang mga kabataan sa kanilang pagharap sa napakahirap na yugto ng kasaysayan ng ating planeta—silang mga magmamana ng mundo na ating iiwan ilang taon mula ngayon?

Puno ng mga tips at payo ang internet tungkol sa bagay na ito, ngunit may ilang suhestiyon mula sa mga eksperto ang maaari kong pagkasyahin sa maiksing kolum na ito.

Halimbawa, malaki umano ang maitutulong ng pakikipag-usap sa ibang mga taong dumaranas din ng climate grief o climate anxiety, ayon sa mga eksperto.

Ang paggawa ng mga simpleng pagbabago o pagkilos ayon sa abot ng makakaya ay nakapagbibigay ng kumpiyansa para sa mga taong nagluluksa o balisa. Panghuli, mayroon na ngayong tinatawag na “climate-aware” mental health care. Hindi ako sigurado kung marami o mayroong “climate-focused therapists and counselors” dito sa atin, ngunit sana nga ay mayroon dahil kailangan natin ito lalo na rito sa bansang Pilipinas na lubhag apektado ng climate change.