WRIGHT PBAPC PLAYER OF THE WEEK

Matthew Wright

NAGPASIKLAB si Matthew Wright at ang import-less Phoenix Super LPG sa Araw ng Pasko sa harap ng malaking crowd sa Araneta Coliseum.

At mismong ang dating walang talong NLEX ang naging biktima ng Fuel Masters kasunod ng 103-92 panalo sa  two-day PBA Christmas special na tinawafg na  ‘Season of Joy’.

Naglaro ang import na si Paul Harris ng mahigit dalawang minuto lamang dahil sa injury kaya pinangunahan ni Wright ang Fuel Masters sa pagkamada ng game-high 23 points para putulin ang two-game skid.

Kumana ang ace guard ng anim na triples bukod pa sa 9 rebounds at 4 assists upang makopo ang kanyang ikatlong Cignal Play–PBA Press Corps Player of the Week award matapos nina Kevin Alas ng NLEX at Arvin Tolentino ng Ginebra.

“As bad as we played in our last two games, Matt said that we just have to keep on playing. That it’s either we go all the way with three straight losses or we stop the streak of NLEX,” wika ni coach Topex Robinson patungkol sa leadership ni Wright sa panalo na naging magandang regalo rin sa kanyang kaarawan.

Ipinagdiwang ni Robinson ang kanyang ika-47 kaarawan noong Pasko kasabay ng pag-angat ng Phoenix sa 3-2 record.

“These guys are really motivated, especially our leaders,” dagdag ni Robinson, na pinuri rin ang naging kontribusyon nina Justin Chua, Chris Banchero, Jason Perkins, RJ Jazul, at Aljun Melecio sa malaking panalo ng Phoenix na wala si Harris.

Naging kandidato rin si Chua, nagtala ng 19 points at 6 boards, para sa weekly citation para sa period na Dec. 22-26.

Ang iba pang pinagpilian para sa parangal na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko-cover ng PBA beat ay sina San Miguel’s Terrence Romeo at CJ Perez, Magnolia’s Paul Lee, Jio Jalalon, at Calvin Abueva, Meralco’s Chris Newsome, TNT’s Mikey Williams, Alaska’s Maverick Ahanmisi, Jeron Teng, at  Robbie Herndon. CLYDE MARIANO