WRIT OF KALIKASAN LABAN SA KALIWA DAM

Magkape Muna Tayo Ulit

MATAGAL ko nang isinulat sa kolum ko ang isyu tungkol sa plano ng MWSS na magpatayo ng Kaliwa Dam sa Infanta, Quezon sa pamamagitan ng pag-utang sa China sa ilalim ng Official Development Assitance o ODA.

Ayon sa Republic Act 8182 Act of 1996, ito ay ang hakbang upang umutang ng salapi sa ibang bansa para sa layunin na itulak ang social at economic development at welfare ng ating bansa. Kailangan na ang bansang pag-uutangan natin ay may diplomatic, trade relations at bilateral agreement at miyembro ng United Nations. Pasok ang bansang China rito.

Subalit maraming ka­tanungan ang umusbong sa planong pagtatayo ng Kaliwa Dam sa ilalim ng ODA sa China. Ang disenyo ay maaaring ilubog ang ilang mahahalagang lugar sa lalawigan ng Quezon at sa Tanay, Rizal. Mataas ang disenyo nito. 73-meters ang taas. Ang ibig sabihin nito ay ang pag-imbak ng tubig ay mangangahulugang ilulubog ang mga lugar malapit dito kapag ang taas nito ay mas mababa sa 73 meters. Natural lamang na hahanapin ng tubig ang kanyang lebel. Walang iiwasan ang tubig sa nasabing dam. Kaya nangangamba ang mga nakatira sa Daraitan sa Tanay, Rizal at mahigit na apat na libong pamilya ang maaapektuhan nito. Pati ang tribo ng Dumagat na halos 11,000 katao ay mawawalan ng kanilang ancestral land.

Kasama na maaapektuhan din dito ang Tinipak National Park at Daraitan River sa Tanay, Rizal. Ang nasabing lugar ay binansagang isa sa pinakamalinis na ilog sa Filipinas. Samantala, ang Tinipak National Park ay lugar kung saan matatagpuan ang mga malalaking puting bato o marmol na hinugis ng kalikasan at panahon. Kaya nga tinawag itong Tinipak dahil parang mga ‘tinipak ng bato’ ang makikita rito.

Ito ngayon ang mala­king katanungan kapag ipinagpatuloy ang plano ng MWSS sa pagtatayo ng Kaliwa Dam, ayon sa disenyong gagawin ng kontratista mula sa China. Hindi ba mawawala sa mapa ang nasabing mga handog ng kalikasan sa atin? Kaya naman hindi ako magtataka kapag may magsampa ng Writ of Kalikasan laban sa naturang proyekto upang ipatigil ito.

Ang Writ of Kalikasan ay isang remedyo sa ating batas na magbibigay proteksiyon sa ilalim ng ating Konstitusyon na ang bawat Filipino ay may karapatan na magkaroon ng malusog at mapayapang kapaligiran.  Ayon sa Sec. 16, Article II, “The state shall protect and advance the right of the people to a balanced and healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature.” Ang ‘nature’ sa  salitang Filipino ay ‘kalikasan’. Ang Writ of Kalikasan ay makikita lamang sa ating bansa.

Malinaw na malinaw na ang planong pagtatayo ng Kaliwa Dam ng MWSS ay makasisira sa ating kalikasan. Hindi ako magtataka na masasampahan ito ng Writ of Kalikasan. Sayang ang panahon kapag ito ay natengga kapag nagbigay ng kautusan ang ating Korte Suprema laban dito. Samantala, ang suliranin ng karagdagang tubig sa Metro Manila ay hindi maresolba.

Tulad ng isinulat ko dati, may alternatibong panukala sa pagtatayo ng mas mura at mas katanggap-tanggap na dam mula sa isang kompanyang Hapon. Ito ay ang Global Utility Development Corporation o GUDC.

Sa kanilang proposal, isang weir dam ang kanilang itatayo. Ang ibig sabihin nito ay hindi sisirain ang natural na daloy ng ilog ng Kaliwa. 7 meters lamang ang taas kaya walang ilulubog na komunidad. Katanggap-tanggap ang nasabing proposal ng GUDC sa komunidad ng Daraitan. Ang maganda pa rito ay magagawa nila ang nasabing proyekto sa loob lamang ng tatlong taon.

Ang hindi rin masyadong napag-usapan dito ay bagama’t P12.5-B ang gugugulin sa proposal ng China, hindi pa kasama rito ang pagtatayo ng Water Treatment Plant na nagkakahalaga ng mga P40-B. Ang ibig sabihin ay umutang tayo para sa nasabing proyekto subalit hindi pa natin ito mapakikinabangan dahil hindi pa ito magiging tubig inumin. Kaya lumalabas na aabot ito sa mahigit na P50-B!

Ang proposal ng GUDC ay nasa P20-B su­balit kasama na raw dito ang Water Treatment Plant. Hindi rin utang ito. Sila ang maglalabas ng pondo para sa proyekto. Walang gastos ang sambayanan dito. Ang hiling lamang ng GUDC ay  maging BOT project ito. Sila ang mag-o-operate sa susunod na 25 years at ang tubig nila ay bibilihin ng Manila Water at Maynilad. Pagkatapos ng 25 years ay kukunin na ito ng ating gobyerno. Saan ka pa?

Kaya nagtataka naman ako kung bakit ipi­nipilit ng MWSS ang kanilang plano na popondohan ng China. Kayo na po ang humusga.

Comments are closed.