INIANUNSIYO ng Malakanyang ang pagdating sa bansa sa Nobyembre 20 ng taong kasalukuyan ni Chinese President Xi Jinping.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito ang kauna-unahang state visit ng Pangulo ng China sa bansa sa nakalipas na 13 taon.
Inaasahang magkakapalitan ng kuro-kuro sina Jinping at Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mutual concern ng dalawang bansa ganoon din ang Philippine bilateral relations.
“Upon the invitation of President Rodrigo Roa Duterte, Chinese President Xi Jinping will undertake a State Visit to the Philippines from 20-21 November 2018. It will be the first State Visit of a Chinese President in 13 years,” pahayag ng kalihim.
Patuloy na inaangkin ng China ang ilang bahagi sa South China Sea na pag-aari ng Filipinas at sa pagdalo ni Pangulong Duterte sa Asean Summit sa Singapore ay inihayag nito na hindi makabubuti ang anumang uri ng military exercise sa South China Sea sa kasalukuyan.
Kung mauuwi umano sa digmaan ang tensiyon sa nasabing lugar ay tiyak na unang magiging casualty ay ang Filipinas.
Nangako si Duterte na isusulong ang mas epektibong Code of Conduct na paiiralin sa South China Sea.
Sa ambush interview sa sidelines ng ginaganap na 33rd Association of Southeast Asian Nations Summit and Related Summits sa Singapore, binanggit ni Pangulong Duterte ang iringan sa pagitan ng China at iba pang Western countries gaya ng Estados Unidos.
“Everything has been excellent between China and the rest of ASEAN, except for the fact that there’s a friction between the Western nations and China,” wika ni Duterte.