PAGKATAPOS ng tatlong araw ay saka pa lamang humingi ng paumanhin ang mga opisyal ng Xiamen Air dahil sa pagkabalahaw ng kanilang eroplano sa isa sa mahahalagang runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Huwebes na ikina-stranded ng libo-libong pasahero sa paliparan.
Inihayag ito ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal sa ginanap na press briefing kahapon, “this morning at 11 a.m., I have a delegation from Xiamen Air. They expressed sincerest apologies regarding the incident that happened last Friday.”
Sinabihan naman ni Monreal ang opisyal na ipaabot din ang kanilang dispensa sa buong Filipino, “I told them they have to issue a statement for those who are affected. I said your apologies can only reach myself, I want the apologies to reach the Filipino people.”
Kasunod nito, naglabas ng public statement ang naturang kompanya. “Xiamen Airlines apologizes to all the passengers affected by the incident and will do its utmost to assist,” pahayag ni Che Shanglun, chairman ng kompanya.
Sinabi ni Shanglun na nakikipagtulungan ang Civil Aviation Administration ng China sa Civil Aviation Authority sa bansa upang imbestigahan ang sanhi ng runway mishap.
Sumadsad ang Xiamen Air Flight MF8667 sa 06/24 runway noong gabi ng Huwebes at naialis lamang nang madaling araw ng Sabado para ilipat sa Balabag Aviation Complex.
Samantala, nagnegatibo naman ang 50 year old Korean pilot ng sumadsad na eroplano at ang kanyang Chinese co-pilot sa ilegal na droga habang inaabangan pa ang resulta ng alcohol test.
Tiniyak ng Malacañang na may mananagot sa ilang araw na aberya sa NAIA.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kasama siya sa mga nagkaaberya ang flight dahil sa insidente at hindi lang basta apology o paghingi ng paumanhin ang inaasahan nila mula sa Xiamen Airlines dahil libo-libong pasahero ang naperwisyo sa nang-yari.
Tiniyak naman ng Malacañang na may mga ginagawa nang paraan para hindi na maulit ang matinding congestion sa NAIA sakaling may mangyaring aberya sa paliparan.
“It is not just apology that we will ask for. We will now conducting an investigation to any liability to the part of the Xiamen pilot that is why he has been asked not to leave the country,” ani Sec. Roque.
Samantala, pinamamadali ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa Kamara ang pagpapasa sa House Bill 2782 o ang Magna Carta of Airline Passengers Bill of Rights.
Ang suhestiyon ng kongresista ay kaugnay na rin sa naranasang inconvenience ng mga pasahero dahil sa pagsadsad ng Xiamen Air.
Layunin ng panukala na proteksiyunan ang karapatan ng mga airline passenger at magpataw ng karampatang parusa sa mga airline companies na lalabag dito. FROI M, CONDE BATAC
Comments are closed.