XIAMEN PA RIN ITO!

Magkape Muna Tayo Ulit

MAGMULA  nang sumadsad ang Xiamen Air Flight MF8667 sa ating paliparan isang linggo na  ang nakararaan, ang da­ming jokes ang lumalabas tungkol sa nasabing kaganapan marahil upang maibsan ang perwisyong idinulot nito sa  libo-libong pasahero na na-stranded sa NAIA.

Para sa dagdag kaalaman lamang, ang Xiamen ay isang progresibong siyudad na bahagi ng probinsiya ng Fujian, China. Lumago ang Xiamen dahil sa magandang lokasyon nito bilang isang premyadong pantalan sa nasabing lugar.

Ang isang joke na kumakalat ay kung bakit sa sobrang laki raw ng eroplanong  Xiamen Air ay kaunti lamang ang isinasakay na pasahero nito. Bakit? Dahil Xiam (siyam) en Air daw ito. Hindi maaaring sosobra sa siyam ang pasahero nito ngunit mahigit na siyam na libo ang naperwisyo!

Ang isa pang joke sa Xiamen Air ay inaangkin na rin daw ng China ang ating NAIA dahil sa pag-crash landing ng nasabing eroplano. Tila sinasabi nila na Xiamen (sa amin) ito! Lumawak pa ang joke ng Xiamen Air at humantong sa paggamit sa isyu ng pag-angkin ng bansang China sa West Philippine Sea. Sabi raw ay magi­ging kabahagi ng Xiamen ang West Philippine Sea.

Marami sa ating mga mambabatas ang bumatikos sa nasabing aksidente na sangkot ang Xiamen Air. Maghahain daw sila ng isang masusing imbestigasyon dito at pananagutin nila ang Xiamen Air sa perwisyong idinulot nito sa ating mga pasahero at paliparan. Dawit din sa imbestigasyon ang ilang opisyal ng MIAA sa kanilang mabagal na aksiyon na nagdulot umano ng kaguluhan sa NAIA. Sabi nga ng tagapamahala ng Manila International Airport Authority (MIAA) na si General Manager Eddie Monreal, mahina ang P15 milyon na danyos ang kaila­ngang bayaran ng Xiamen Air sa naidulot nilang aksidente.

Nagsabi rin si Monreal na hahayaan niya ang  ibang airline companies na maghain ng complaint sa naperwisyong mga iskedyul ng kanilang flights dahil nga sa pagkabara ng eroplano ng Xiamen Air sa nag-iisang runway ng NAIA. Ganun din sa mga pasaherong naperwisyo na nagresulta sa kanilang  delayed flights. Marami ngang mga pasaherong OFW na papuntang Gitnang Silangan ang nangangamba na mawalan ng trabaho dahil nga sa hindi nila pagsipot sa takdang araw ng kanilang trabaho matapos magbakasyon sa Filipinas.

Nagpahayag naman ang pamunuan ng Xiamen Air na handa silang magbayad ng danyos sa perwisyong naidulot nila na pumaralisa sa operasyon ng NAIA sa sumunod na mga araw. Nakipag-koordinasyon na raw sila sa MIAA kung magkano ang aabutin ng gastos sa nasabing aksidente. Humingi rin sila ng paumanhin sa lahat ng naabala sa nasabing aksidente. Daang-daang flights ang nakansela at libo-li­bong mga pasahero ang apektado sa mahigit na 36 na oras na natengga ang eroplano ng Xiamen Air sa runway ng NAIA bago ito naalis.

Mukhang unti-unting bumabalik na sa normal na operasyon ang NAIA ngayon. Nawawala na sa pangunahing usapan ang isyu ng Xiamen Air. Subali’t maaaring bumalik muli ito kapag natuloy ang imbestigasyon sa Kongreso tungkol dito.

Kaya sa ngayon, Xiamen (sa amen) muli ang NAIA. Xiamen muli ang patuloy na pakikipag-diyalogo tungkol sa tunay na pag-aari ng mga ilang isla sa West Philippine Sea. Xiamen pa rin ang lahat ng mga ito!

Comments are closed.