YAMAN NG KARANASAN AT KAALAMAN NG MGA MATATANDA

HINDI lahat ng mga Pilipino ay mulat sa mga tunay na pangangailangan ng mga matatanda sa ating lipunan.

Kung hindi ako nagkakamali, tinatayang walong milyon ang mga elderly citizen ng ating bayan kung saan nasa apat na milyon sa kanila ang indigents o mahihirap.

Habang dumarami sila, lumalakas ang panawagan na bigyan sila ng sapat na mga benepisyo.

Hindi lamang dapat maging taumbahay ang mga matatanda sa ating mga tahanan o ‘di kaya’y mga taga-bantay ng ating mga anak.

Minsan silang naging haligi at ilaw ng ating mga tahanan.

Kaya marapat lamang na maibalik natin ang kalingang kanilang patuloy na ibinibigay, hindi lamang sa ating mga sarili, kundi sa ating buong angkan.

Dapat pinagpupugayan ang mga may edad, hindi lamang sa ating mga tahanan.

Gawin sana nating kanlungan para sa kanila ang lipunan.

Tandaan natin, noong sila ay malakas pa, malaki ang kontribusyon nila sa pag-inog ng ating ekonomiya.

May ambag din sila sa ating pulitika at kultura noong kanilang kabataan.

Sa ibang bansa, gaya ng Japan, alagang-alaga at mahal na mahal nila ang mga matatanda.

Katunayan, inilunsad nila ang kauna-unahang Dual-Mode Vehicle sa buong mundo o ang bus-train sa Kaiyo, Tokushima Prefecture.

Kakaiba ang sasakyang ito dahil maaari itong dumaan sa kalsada at maaari rin sa riles.

Gamit ang mga normal na rubber tires, normal itong tumatakbo sa kalsada.

Kapag kailangan na nitong umandar sa riles, bababa ang mga metal na gulong nito mula sa ilalim at itataas nang bahagya ang rubber tires upang hindi sumadsad sa riles.

Nasa 15 minuto lamang ang transition mula bus mode patungong train mode.

Mapapa-“sana all” ka na lang talaga.

Sa ating bansa, mukhang hindi kakayanin ang ganyan.

Ngunit kahit papaano’y kumikilos naman ang ating mga mambabatas upang mabigyan ng mga benepisyo ang mga senior citizen.

Kamakailan, nag-‘lapse into law’ na ang panukalang magbibigay ng P1,000 na monthly social pension para sa mga matatanda mula sa kasalukuyang P500.

Aba’y milyun-milyon ang mabebenepisyuhan ng dagdag na social pension na ito.

Medyo mabigat o malaki nga lang ang kakailanganing pondo para rito kada taon na papalo raw mula P22 bilyon hanggang P24 bilyon.

Kung tutuusin naman daw, .5% lang ito ng kabuuang national budget.

Kaya naman daw, posibleng nakita raw ni Pangulong Bongbong Marcos na mas malaki ang maitutulong nito kapag naisabatas.

Hindi pa nakapaloob sa proposed 2023 national budget ang pondo para sa dagdag na social pension.

Nariyan naman daw ang iba pang sources o maaaring mapagkukunan ng pondo tulad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) bunsod daw ng P50 bilyon na hindi nabayarang buwis o unpaid taxes.

Nagkukumaway din daw ang sin taxes, Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law, Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law at iba pa na puwedeng maging source ng pondo.

Maituturing itong isang kongkretong alay sa mga kapakanan ng mga matatanda ngayong tumataas ang presyo ng bilihin, lalo na ng mga gamot na kanilang kailangang bilhin.

Hindi kasi maitatanggi na kahit may mga discount sila, marami pa ring mga elderly mula sa indigent families ang hindi na kayang tustusan ang kanilang mga panguhaning pangangailangan.

Mahalaga ring rebyuhin ang implementasyon ng Republic Act No. 9994 o ang Senior Citizen’s Act dahil lingid sa ating kaalaman, maraming establisimyento ang hindi tumatalima sa mga itinatakdang benepisyo para sa mga may edad o seniors.

May mga kaso pa kung saan ang mga elderly ay nasasaktan ng kanilang mga kasama sa bahay habang may pagkakataon din na sa kanila natotoka ang pang-araw-araw na pangangalaga sa mga apo.

Tandaan na ang bawat senior citizen ay dapat mamuhay ng may dignidad.

Hawak nila ang yaman ng karanasan at kaalaman ng mga nagdaang taon.

Maliban sa pagkalinga at pagmamahal, ibigay rin natin sa mga senior citizen ang iba pang mga benepisyo at pribilehiyo na nararapat para sa kanila.