MGA DALAWANG taon na lang ang basketball career ni James Yap pero patuloy ang pagpapakita niya ng galing sa kanyang team na Rain or Shine Elasto Painters.
Tinalo ng Elasto Painters ang TNT Tropang Giga upang makapasok sa quarterfinals. Si Yap ang napiling ‘best player of the game’ matapos gumawa ng 16 points. Nakuha rin ni James ang record na ikatlong player na may maraming 3-point shot kapantay ang legend player na si Ronnie Magsanoc. Ang dalawang players na nauna ay sina Jimmy Alapag at Allan Caidic. Congrats, James.
o0o
Napakabata pa ni Matt Salem ng Blackwater Elite. Halos 2 years pa lang siyang nasa PBA, at ngayon lamang siya nagagamit ng Elite. Ang nakakagulat sa dating La Salle boy ay biglang naging manipis ang tuktukan nito. Sa TV nga ay tinitingnan ko kung totoo ‘yung nakikita ko na medyo may pagkapanot na ang player. Ano ang nangyari? Na-stress kaya siya dahil nga nalagay siya sa reserved. Mahusay na player si Salem at shooter ito. Isa siya sa pinagkakatiwalaan noon sa Green Archers. Sana ay manumbalik ang kapal ng buhok nito.
o0o
Sikat na sikat ngayon si Thirdy Ravena sa Japan B. League. Pinagkakaguluhan siya ng mga Haponesa at mga Pinoy. Sa dalawang laro ni Ravena ay nagpakita ito ng gilas. Gayunman, sa 2nd game ay hindi siya ginamit ng isang buong 3rd quarter kaya nadismaya ang 3-time UAAP MVP. Katunayan, hinubad ni Ravena ang kanyang warmer long sleeves at yumuko. Habang isinusulat namin ito ay naglalaro ang San-en Neo-Phoenix sa kanilang homecourt Toyohashi City sa General Gymnasium. Sana ay gamitin si Thirdy ng kanyang coach at manalo ang San-en.
o0o
Ayaw pa rin paawat itong si Asi Taulava na nabigyan ng pagkakataon ni coach Yeng Guiao na makapaglaro kahapon laban sa Terrafirma na tinambakan nila. Si Taulava ay nakagawa ng 8 points sa ilang minutong paglalaro. Bagaman 47-anyos na ang Fil-Tongan player ay pursigido siyang tumulong sa team. Ngunit hindi nakapasok sa quarterfinals ang Road Warriors na medyo kinapos. Sayang kung kailan kumpleto na ang mga player ni coach Guiao ay saka pa sila hindi nakapasok. Bawi na lang next season.
Comments are closed.