YEAR-END CONCERT, FIREWORKS DISPLAY INAABANGAN SA PAGSALUBONG NG BAGONG TAON

INAABANGAN ng lahat ang year-end concert at fireworks display sa Marikina Sports Center.

Inihayag ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro, ang taunang year-end concert at fireworks display ay tradisyon na sa Marikina na kung saan sama samang ipinagdiriwang ang bagong taon.

“On December 30, we will hold the much-awaited year-end concert and fireworks display at Marikina Sports Center.  Ang taunang tradisyon na ito sa Marikina ay nagsasama-sama sa atin upang ipagdiwang ang Bagong Taon,” ani  alkalde.

“Ito rin ang ating pa­raan para mahikayat natin ang ating mga kababayan na huwag gumamit ng mga delikadong paputok sa bagong taon para maiwasan ang mga firecracker-related injuries,” dagdag ni Teodoro.

Samantala, nagtalaga na ang lokal na pamahalaan ng mga firecracker zone tulad ng mga open space at parke.

Sinabi pa nito  na ang libreng konsiyerto ay bukas din para sa mga hindi residente ng Marikina na sinasabing ang mga residente mula sa mga karatig na lugar ng lungsod tulad ng Pasig City, Quezon City, at Rizal ay maaari ding tangkilikin ang libreng concert at fireworks display.

Bukod sa year-end event, maaari ding bumisita ang mga dumalo sa Marikina Christmas Shoe Bazaar at Banchetto sa Freedom Park, sa harap ng City Hall malapit sa Sports Center.

“Ipagdiwang natin ang tagumpay ng taong 2024 at salubungin ang taong 2025 ng sama-sama at puno ng pag-asa.”pagtatapos ni Teodoro.

ELMA MORALES