HINDI maitatanggi na ang bagong taon ay nagbibigay-daan ng bagong pag-asa sa lahat.
Sabi nga, may kaakibat daw itong mensahe para sa pagsisimulang muli.
Itinuturing din ito ng ilan bilang panahon ng pinagninilay sa ating mga ginawa.
Sa ganitong paraan daw, matutukoy ang mga naging kabiguan at maiiwasan ang mga posibleng pagkakamali.
Ang mga nasirang pangarap ay maaaring paghilumin habang maaaring maibalik ang mga nasirang relasyon o bumuo ng panibagong yugto ng mga ugnayan.
Sang-ayon sa Chinese zodiac, ang New Year 2023 ay Year of the Water Rabbit.
Tunay na ang Bagong Taon ay nagkakaloob ng oportunidad sa pagpapanumbalik ng kaayusan.
Nariyan din ang hangaring makiisa sa ideyalismo ng kapayapaan at paggalang sa pagkakaiba-iba.
Karamihan sa atin ay iniisp na ang panibagong taon na ito ay huhugot ng lakas mula sa mga pagtatagumpay sa nakalipas na taon.
Ang papasok na taon ay maaaring pagmulan din ng mahahalagang aral mula sa mga kabiguan at pagkakamali sa nagdaang 12 buwan.
Ilang araw na lang, matatapos na ang selebrasyon ng mga okasyon at magbabalik-eskuwela at trabaho na tayong lahat.
Salubungin natin ang 2023 nang may buong determinasyon.
Gawin natin itong mas mabuting taon, para sa ating sarili, sa ating pamilya, at sa ating bansa.
Mapabuti sana ng mga public servant ang paghahatid ng mga serbisyo at mapag-iibayo ang kalidad ng paglilingkod.
Ito ang pagkakataon nila para planuhin ang susunod na 366 na araw sa pagtugon sa mga hamon upang makapag-ambag para sa mas mabuting kalidad ng buhay sa lipunan.
Samantala, kahit matindi ang kampanya laban sa paputok, habang papalapit ang paghihiwalay ng taon ay nadadagdagan ang mga napuputukan.
Kung hindi ako nagkakamali, hindi bababa sa 32 ang bilang ng mga nabiktima ng firecrackers.
Nangyayari ito sa kabila ng walang patid ang kanilang paalala na huwag magpaputok at baka maputulan ng daliri, masabugan sa mukha at mabulag.
Dati nga, mayroon pang TV ad ang Department of Health (DOH) na nagpapakita sa mga batang naputukan sa daliri.
Wala pa ring kadala-dala ang marami.
Napaka-delikadong paputok ngayon ang piccolo at iba pa na kapag nagmintis at napulot ay maaaring pumutok.
Kapag napinsala ang daliri, kailangang putulin ito.
Tandaan na mga magulang pa rin ang makasisiguro sa kaligtasan ng mga bata.
Aba’y ngayong maghihiwalay ang taon, bantayang mabuti ang mga bata.
Dapat salubungin ang bagong taon nang buo ang mga daliri.
Hindi dapat ipagsapalaran sa paputok ang mahalagang bahagi ng katawan kaya’t isaisip ang kaligtasan at pag-iingat.
Laging tandaan na sandaling kaligayahan lang ang dulot ng mga paputok.
Habambuhay na pagdurusa ang tatamuhin kapag nasabugan dahil hindi na kailanman maibabalik o maikakabit ang naputol na parte ng katawan.
Nawa’y ihatid ng 2023 ang mga biyaya ng pag-asa at kasaganaan sa bawat isa.
Manigong Bagong Taon sa ating lahat!