Yearender 2019: TAGUMPAY NG PINOY

Atletang Pinoy

MULING pumailanlang ang galing ng mga atletang Pinoy sa mga pandaigdigang kompetisyon ngayong taon.

Umani ng papuri at paghanga ang bawat tagumpay ng ating mga atleta, higit ang kanilang ipinamalas sa katatapos na 30th Southeast Asian Games kung saan nabawi ng bansa ang overall crown sa paghakot ng kabuuang 386 medalya –  149 gold, 117 silver at 120 bronze medals.

Ang 386 medalya na nakolekta ng bansa ay kauna-unahan sa kasaysayan ng biennial meet at marami ang naniniwala na mahirap na itong mapantayan.

Pinaalab ang puso at fighting spirit ng mga atletang Pinoy sa suporta ng sambayanang Filipino at ng sports officials, sa pangunguna nina Team Philippine Chief of Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ra­mirez, Philippine Olympic Committee (POC) president at cycling head Rep. Abraham Tolentino at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman at Speaker Alan Peter Cayetano.

Ipinagbunyi  rin ng bawat Filipino ang pagkuwalipika nina gymnast Carlos Edriel Yulo at pole vaulter Ernest John Obiena sa Tokyo 2020 Olympics.

Nanalo si Yulo sa 49th FIG Artistic Gymnast World Championships na ginanap sa Stuttgart, Germany habang nahigitan ni pole vault specialist Obiena ang 5.80-meter qualifying mark nang lundagin ang horizontal bar sa taas na 5.81 meters sa Asian Athletics Championships na ginawa rin sa tiny oil-rich kingdom sa Qatar.

Si Yulo ay nagsanay sa Japan sa ilalim ni Ja­panese coach Munihiro Kugimiya habang si _Obiena ay sa Italy sa pangangasiwa ni Uk­rainian coach Vitaly Petrov. Dinomina rin nina Yulo at Obiena ang kanilang pet events sa SEA Games.

Dahil nagkuwalipika sa Olympics, sina Yulo at Obiena ay strong candidates bilang 2019 Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA).

Sa pagkopo ng ­Filipinas ng overall championship sa SEA Games ay nagtala ang athletics ng apat na bagong meet records sa pamamagitan nina first timers Filipino-Americans Kristina Knott, Natalie Uy at William Morrison at Brazil Olympian Eric Shawn Cray.

Naiposte ni Knott ang bagong record sa 200m, Uy sa pole vault, Morrison sa shot put, at hinila ni Cray, middle distance champion sa Asian Athletics at double gold winner sa 100m at 200m sa 2015 edition sa Singapore, ang bagong record sa 4x100m mixed relay.

Ang athletics din ang itinanghal na pinakamatagumpay na National Sports Association (NSA) sa 56 sports na nilaro sa SEA Games sa pagsikwat ng 27 medalya, kabilang ang 11 ginto

Tulad ng inaasahan ay napanatili ng mga Pinoy ang kanilang dominasyon sa basketball sa SEA Games nang walisin ang mga katunggali.

Pinatunayan naman ni eight-division world champion at Sen. Manny Pacquiao na taglay pa rin niya ang bangis na nagbigay sa kanya ng maraming karangalan sa kanyang makulay na boxing career.

Ngayong taon ay dalawang beses siyang namayani sa ibabaw ng ring. Ang una ay noong Enero 20 kung saan naidepensa ng Pambansang Kamao ang kanyang WBA Welterweight Championship belt kontra American boxer Adrien Broner via unanimous decision.

Nanaig naman ang kamao ni Pacquiao sa laban nila ni Keith Thurman noong Hulyo 21 sa Las Vegas, Nevada sa Amerika. Nagwagi si Pacman sa pamamagitan ng split decision upang makopo ang World Boxing Association (WBA) welterweight championship.

Sa boxing pa rin, nanalasa sina Olympic aspirants Felix Eumir Marcial at Nesthy Petecio sa World Boxing Championships na ginawa sa Russia at matagumpay na  naidepensa nina Jerwin Ancajas at John Riel Casimiro ang kani-kanilang world boxing titles laban sa mga banyagang katunggali.

Sa labas ng SEAG ay nagtagumpay rin sina Olympic aspirants Hidilyn Diaz at  Margielyn Didal.

Wagi ang Cebuana na si Didal, 2018 Asian Games gold medalist, sa dalawang skateboard tournaments na ginanap sa California, USA, habang nanalo si Diaz sa Asian Weightlifting na ginawa sa Thailand.

Ang torneo na nilahukan nina Didal, Diaz, Marcial at Petecio ay kasama sa qualifying tournaments sa Tokyo Olympics.

Nag-iwan din ng marka si top professional golfer Juvic Pagunsan sa Philippine Golf Tour- Asia nang manalo ng limang titulo at gumawa ng pangalan sa Japan Golf Tour kung saan naglaro rin si lady top golfer Princess Mary Superal.

Samantala, naiuwi naman ni judo legend John Baylon ang silver medal sa World Jiu Jitsu na ginawa sa Las Vegas, Nevada, USA. CLYDE MARIANO

Comments are closed.