‘YELLOW CARD’ NG MAKATI LIBRE SA DIALYSIS

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Makati na sa lahat ng nagtataglay ng Makati Health Plus Program (MHP) cards o ang tinatawag na “yellow cards” ay maaari na itong gamitin sa libreng dialysis sa Ospital ng Makati (OsMak) at sa ilang accredited na mga dialysis centers sa lungsod.

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na isinama na ng lokal na pamahalaan ang libreng dialysis sa listahan ng mga benepisyo na may hawak ng mga yellow card na tumanggap naman ng mga papuri sa mga netizen bukod pa sa mga residente ng lungsod.

Ayon sa alkalde, ang iba pang benepisyo na maaaring matanggap ng libre ng mga residente at kanilang nakarehistrong dependents na may hawak ng yellow cards sa lungsod ay ang libreng out-patient consultation, subsidized hospitalization, at diagnostic tests sa ilang piling ospital na pinamamahalaan ng lungsod.

Ang mga rehistradong botante, residente ng Makati, empleyado ng gobyerno na nagtatrabaho sa central business district at senior citizens na nasa edad 60 pataas ay ang mga kuwalipikado na makakuha ng yellow cards na mayroong tatlong taon o hanggang habang buhay na validity.

Dagdag pa na isinama na ng lokal na pamahalaan ang libreng dialysis dahil sa kamahalan ng ibinabayad sa pagsasagawa nito sa isang pasyente na kalimitang nagbabayad ng P13,500 kada isang linggo. MARIVIC FERNANDEZ