YELLOW LANES POLICY HIHIGPITAN

MMDA-5

QUEZON CITY – BUNSOD ng matinding trapik na nararanasan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City dahil sa construction ng  Metro Rail Transit-7 (MRT-7), mahigpit na ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “yellow lanes policy” sa lugar.

Ito ang  napag-alaman kahapon kay MMDA Asst. Secretary Celine Pialago na ang pagpapatupad ng traffic scheme na “yellow lanes policy” ay upang mabawasan ang matinding traffic congestion partikular sa Commonwealth Avenue.

Sinimulan kahapon ng MMDA ang dry run sa pagpapatupad ng “yellow lanes policy” sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan umabot sa 1,370 motorista ang nasita rito.

Sinabi ni Pialago, kanila lang munang pinaalalahanan ang mga motoristang kanilang nasita at hindi muna pagmumultahin ang mga ito dahil dry-run pa lamang ito.

Base sa ulat ng MMDA, umaabot sa 200,000 moto­rista ang araw-araw na dumadaan sa Commonwealth Avenue at 50 porsiyento ng mga motorista sa nabanggit na bilang ang palipat-lipat ng kanilang puwesto na nagiging sanhi ng traffic congestion.

Dagdag pa ni Pialago, malaki ang posibilidad na ang “full operation” ng “yellow lanes policy” sa Commonwealth Avenue ay maipatutupad sa susunod na linggo.

Maihahalintulad ang ‘yellow lanes policy’ sa Commonwealth Avenue sa EDSA kung saan ang kulay dilaw na lane ay magmumula sa Visayas Avenue hanggang Quezon Avenue at vice-versa. MARIVIC FERNANDEZ