YENG KUMPIYANSA SA KAMPANYA NG E-PAINTERS SA SEASON 49

SASANDAL si coach Yeng Guiao sa mga nakamit ng Rain or Shine kamakailan sa pagsisimula ng kampanya nito sa Season 49 ng PBA.

Naniniwala ang champion coach na ang matagumpay na title run ng koponan sa katatapos na Kadayawan Festival sa Davao at ang pagsampa sa semifinals sa unang pagkakataon sa loob ng limang taon noong nakaraang season ay nagsisilbing matibay na pundasyon sa kampanya ng Elasto Painters sa darating na Governors’ Cup.

Nakumpleto ng Rain or Shine ang sweep sa annual, four-day tournament, kabilang ang 138-116 blowout sa reigning UAAP men’s basketball champion De La Salle.

“Maraming nangyari dun sa Davao. Of course, it was capped by a championship, pero sa tingin ko ang importante doon is the time we spent together. The time that we’re able to know each other better especially for the three rookies,” sabi ni Guiao.

“Nag team building na rin kami doon sa Davao. At the same time, we’re also able to gel our rookies, bond with our rookies and introduced to them our culture, our philosophies. Maganda naman.”

Pinapirma ng Elasto Painters ang tatlong rookies sa katauhan nina first round picks Felix Lemetti at Caelang Tiongson, gayundin ni second round selection Francis Escandor.

Naniniwala si Guiao na ang tatlong bagong mukha ay may kakayahan at akma sa sistema ng Rain or Shine, na makatutulong sa kampanya ng koponan sa buong season.

“Alam namin kung ano pa ‘yung kulang namin. Alam din namin kung saan ‘yung strengths namin,” sabi ng 65-year-old mentor.

“Kaya in the off season, we tried to improve on those aspects as we aim to build a contender team.”